
Tahimik ang Studio 3 kapag lampas alas-dose ng hatinggabi. Tahimik sa paraan na parang may humihinga sa dilim pero hindi mo makita kung sino.

Bilang beteranong cameraman ng lumang broadcasting building, kabisado ko ang bawat anino. Guwardiya. Maintenance. Crew. O akala ko lang na kabisado ko.

Noong gabing iyon, naiwan akong mag-isa. May late-night shoot na naudlot, at ako ang naatasang magligpit ng camera. Patay na ang karamihan ng corridor lights; emergency bulbs na lang ang kumikislap, parang pagod na mata. Sa Studio 3, mas makapal ang dilim. Iba ang pakiramdam doon—parang may naiiwang na lapot ang hangin.

Matagal nang may alamat ang lugar. Noong huling bahagi ng dekada otsenta, sa panahon na presidente pa si Cory Aquino, ilang beses yumanig ang bansa sa mga tangkang kudeta. Mga rebeldeng sundalo laban sa pamahalaan. Baril laban sa baril. Sa panahong iyon, kritikal ang media—ang makakakontrol sa istasyon ang siya ring magkokontrol sa inpormasyon, na siyang namang papaniwalaan ng bayan. Kaya’t naging target ang broadcasting building. Sinubukan itong sakupin, patahimikin, gawing sandata ng propaganda.

May putukan daw sa paligid. May mga sundalong nagbabantay sa gusali—mga tauhan ng gobyerno—habang may mga rebeldeng sumusubok pumasok.

Unang beses kong napansin ang anino habang inaangat ko ang tripod. Hindi ito gumalaw kasabay ko.

Isang hugis-lalaki, matikas ang tindig, parang may suot na helmet at nakasukbit ang riple. Tumagos ang anino sa dingding, huminto sa may bandang control booth, at doon nanatili—parang nag-aabang ng susunod na galaw ng kalaban.

Napangiti ako, pilit. “Pagod lang ‘to,” sabi ko sa sarili ko. Ilang dekada na ako sa industriya; sanay na sa hatinggabing overtime at multo-multuhan sa kuwentuhan.

Pero may kakaiba. Hindi tulad ng ibang anino, malinaw ang silhouette niya, parang may sariling ilaw. At may tunog—isang kaluskos ng sapatos na mabigat, parang bota ng sundalo sa sementong sahig.

Habang pinu-fold ko ang camera para ilagay sa case, may biglang boses na tumagos sa katahimikan.
“Take cover.”

Hindi sigaw. Hindi bulong. Isang malinaw, disiplinadong utos—parang galing sa taong sanay magligtas ng buhay. Nanlamig ang batok ko. Tumigil ang mga kamay ko sa ere. Dahan-dahan akong lumingon.

Mas malinaw na ang anino ngayon. Para siyang humakbang palabas ng dingding, at sa isang iglap, bumigat ang hangin. Naamoy ko ang alikabok, usok, at tingga. Sa gilid ng paningin ko, parang may kumislap na liwanag, gaya ng putok ng baril.

“Sir?” ang nasabi ko. Hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil sa instinct. Sa harap ng sundalo, kahit multo, tumatayo pa rin ang paggalang.
Hindi ko nakita ang mukha niya, pero ramdam ko ang tensyon. Parang may hinahanap siyang kaaway. Parang may pinoprotektahan siyang hindi ko makita—mga taong matagal nang nakaalis, mga boses na matagal nang natahimik.

“May mga rebelde sa labas,” sabi niya, tila hindi ako ang kausap kundi ang nakaraan. “Huwag kayong lalapit tatayo. Dapa lang.”

Doon ko naalala ang mga kwento ng matatandang empleyado. May sundalong napatay raw sa studio - tinamaan ng bala sa driveway pero sa loob ng studio binawian ng buhay. Hindi malinaw kung kaninong panig galing ang bala. Sa kudeta, hindi raw laging malinaw kung sino ang kalaban, lalo na sa dilim at kalituhan.
Lumunok ako. “Tapos na po,” sabi ko, maingat. “Hindi na po labanan. Matagal na po iyon. Tapos na ang kudeta.”

Hindi siya agad tumugon. Itinaas niya ang kamay, senyas ng paghinto. “Stay low,” ulit niya. “Delikado.”
At doon ko naintindihan. Hindi niya alam na patay na siya. Naiwan siya sa gabing iyon—sa tungkuling bantayan ang gusali, ang istasyon, ang boses ng bayan. Habang ang bansa’y umusad, siya’y nanatili, paulit-ulit na tinutupad ang huling utos.

Umupo ako sa sahig. Hindi dahil sa takot, kundi dahil sa bigat ng sandaling iyon. “Salamat po,” sabi ko. “Sa pagbabantay. Sa pagtayo n’yo rito.”

May katahimikan. Pagkatapos, unti-unting numipis ang anino, parang usok na tinatangay ng hangin. Bago siya tuluyang mawala, narinig ko ang huli niyang salita—mas mahina, mas payapa.
“Clear na ba?”
“Opo,” sagot ko. “Clear na.”

Nang bumukas ang ilaw sa corridor—may guard na dumaan—mag-isa na lang ako. Wala na ang anino.

Pero sa sahig, may bakas ng putik na parang tapak ng bota, papunta sa pader at biglang nawawala.

Kinabukasan, nagkwento ako sa isang matandang floor director. Tumango lang siya. “Panahon ni Cory ‘yan,” sabi niya. “Magulo. Mapanganib. Maraming hindi na umuwi.”

Simula noon, tuwing papasok ako sa Studio 3, awtomatiko akong yumuyuko. Hindi dahil sa takot. Kundi dahil alam kong may sundalong nananatili sa dilim—nagbabantay, kahit tapos na ang kudeta, kahit tapos na ang putukan. Bantay sa alaala. Bantay sa katotohanan.
*Images enhanced using AI filters
* All characters and events in this work are fictional. Any similarity to real persons, living or dead, or actual entities is unintentional and coincidental.