← Back to Home
Magkaeskwelang menor de edad, nailigtas matapos matagpuan sa sapa sa QC

Magkaeskwelang menor de edad, nailigtas matapos matagpuan sa sapa sa QC

Ligtas na na-rescue ang dalawang menor de edad matapos matagpuan sa isang sapa malapit sa Bernardo Park sa Barangay Pinagkaisahan, Quezon City noong Biyernes ng umaga, Oktubre 2.

🕒 10/4/2026, 12:38:45 AM•313 words•EN
Eon Sanchez

Eon Sanchez

Eon Sanchez is a reporter for ABS-CBN News covering the Metro beat. He earned his Broadcasting degree from the Polytechnic University of the Philippines, magna cum laude. Before joining the newsroom, he served as Editor-in-Chief of The Communicator, the official student publication of PUP College of Communication.

#creek#barangay pinagkaisahan#quezon city#qcpd

MAYNILA — Ligtas na na-rescue ang dalawang menor de edad na natagpuan sa isang sapa malapit sa Bernardo Park sa Barangay Pinagkaisahan, Quezon City noong Biyernes ng umaga, Oktubre 2.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Kamuning Police Station 10 at Bureau of Fire Protection matapos makatanggap ng ulat mula sa barangay ukol sa kinalalagyan ng dalawa.

Ayon sa residenteng si Emerson Vega Bon na nakatira malapit sa sapa, umaga na nang mapansin ang dalawa na nakababad sa tubig, may mga galos sa katawan, at hirap nang makagalaw.

"Maputla na 'yung dalawang tao na 'yun dahil nakababad sa tubig noong gabi pa. May mga galos po sila sa katawan at hindi masyadong makapagsalita," ani Bon.

SUV nahulog sa creek sa Quezon City; driver nakainom umano

Inihayag naman ni Janet Dionido, desk officer ng Barangay Pinagkaisahan, na magkaeskwela ang dalawa ngunit hindi sila residente doon.

"Sixteen 'yung babae. 'Yung lalaki, hindi ko alam kung ilang taon. Ngayon lang nangyari," pahayag ni Dionido.

Nang maiahon ang dalawa, agad silang dinala sa East Avenue Medical Center para gamutin.

Pinayagang makalabas ng ospital ang 16-anyos na babae dakong alas-5:40 ng hapon habang pasado alas-6 naman ng gabi nang ma-discharge ang kasama nitong lalaki. Kapiling na ngayon ng dalawa ang kani-kanilang mga kaanak.

"Nakauwi naman na raw ng bahay kasi bumalik ata rito 'yung kapatid ng babae. Kinuha 'yung mga gamit niya. Ang nakita ko, mga damit niya, tapos 'yung ID niya, tsaka ibang mga [gamit], notebook," dagdag pa ni Dionido.

Walang nakahagip na CCTV sa mga pangyayari bago natagpuan ang dalawa sa sapa, ayon sa barangay.

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng Quezon City Police District na patuloy ang kanilang imbestigasyon sa pangyayari.

Tiniyak din nila na nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang mga awtoridad at sa pamilya ng mga biktima upang masiguro ang kaligtasan, kapakanan, at kailangang suporta ng mga menor de edad.


RELATED VIDEO:


Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.