
Hindi totoong nakabalik na sa Senado si Senator Rodante Marcoleta at nakalahok siya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, taliwas sa kumakalat online. Nananatili siyang nakadetine dahil sa nakabinbing kasong plunder laban sa kaniya.
Sa isang Facebook post noong September 15, 2026, ibinahagi ang video ni Marcoleta na nakasuot ng impeachment robe sa Senate session hall. May nakalapat itong tekstong: “Sen. MARCOLETA nakapag pyansa na at naka balik na sa Senado.”
Luma ang video na ginamit sa post. Sa pagsusuri ng ABS-CBN Fact Check, maaaring kuha ito sa panunumpa ng mga senador bilang senator-judges noong May 18 bago pa ang pagkakaaresto kay Marcoleta.
Makikita sa naturang video na magkakasunod na dumaan sa gitna ng session hall sina Senators Erwin Tulfo, Marcoleta, at Joseph Victor “JV” Ejercito. Tumutugma ito sa livestream ng ABS-CBN News sa Senado noong araw na iyon.
MGA KASO LABAN KAY MARCOLETA
Noong July 6, 2026, ilang oras bago magsimula ang impeachment trial ni Duterte, inaresto si Marcoleta matapos maglabas ng warrant ang Sandiganbayan. Kaugnay ito sa kaniyang mga kasong plunder at tatlong bilang ng kasong paglabag sa Presidential Decree No. 46 na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng regalo.
Nag-ugat ang mga kasong ito sa alegasyong hindi pagdeklara ni Marcoleta ng P75 milyon na campaign donations sa kaniyang Statement of Contributions and Expenditures, o SOCE. Mula umano ang mga donasyon sa dating mambabatas na si Mike Defensor at mga negosyanteng sina Aristotle Viray at Joseph Espiritu.
Noong September 3, nagbayad si Marcoleta ng P30,000 na piyansa sa bawat tatlong dibisyon ng Sandiganbayan na humahawak ng mga kaso niyang paglabag sa Presidential Decree No. 46.
Hiwalay pa rito ang non-bailable na kasong plunder laban kay Marcoleta sa Sandiganbayan Third Division. Nagpapatuloy ang kaniyang discretionary bail hearings para sa kasong ito.
Samantala, noong September 17, humarap si Marcoleta sa media matapos ang kaniyang bail hearing para sa kasong plunder. Sa naturang panayam, sinabi niyang hindi siya maghahain ng mosyon para pansamantalang makalaya para makaboto sa usapin ng voting threshold sa impeachment trial.
Marcoleta says he won’t seek furlough to vote on impeachment conviction threshold
Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulo, larawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.com o X (dating Twitter) account @abscbnfactcheck.