← Back to Home
Identical quadruplets, isinilang sa Calatagan, Batangas

Identical quadruplets, isinilang sa Calatagan, Batangas

Triplets lang ang inaasahang ipapanganak ng isang ginang sa Calatagan, Batangas kaya laking gulat niya nang apat na babae ang kaniyang iniluwal noong September 17, 2026.

🕒 9/25/2026, 12:29:41 PM•463 words•EN

Bayan Mo, Ipatrol Mo

#Quadruplets#Calatagan#Batangas#BMPM#Bayan Patroller

Triplets lang ang inaasahang ipapanganak ni Bayan Patroller April Rasdas, 31, kaya laking gulat niya nang apat na babae ang kaniyang iniluwal sa pamamagitan ng caesarean section sa Metro Balayan Medical Center, Calatagan, Batangas noong September 17, 2026.

Isinunod ang pangalan ng apat na sanggol sa unang apat na letra ng alpabeto, ani Mommy April. Ang panganay ay si Aria Irene na 1.86 kl nang iniluwal ng 9:44 AM. Pangalawa si Briella na 1.87 kl, pangatlo si Camila na 1.56 kl, at ang bunso ay si Dahlia na 1.91 kl. Isang minuto lang ang pagitan ng pagkakaluwal sa mga sanggol.

Kuwento ni Mommy April, tatlong fetus lang ang nakita sa resulta ng kaniyang ultrasound hanggang sa huling check niya sa kaniyang Obstetrician & Gynecologist (Ob-Gyne) noong September 8 kaya pang-tatlong bata lang ang inihandang mga gamit ng kanilang pamilya. Bigay lang ng ospital ang damit na unang isinuot sa pang-apat sa quadruplets, dagdag pa niya.

Paliwanag ng kanyang Ob-Gyne kay Mommy April, maaaring natakpan lang ang pang-apat na bata habang nasa loob pa ng kaniyang tiyan kaya hindi nairehistro sa ultrasound.

Kumpara sa una niyang pagbubuntis sa kaniyang panganay na limang taon na ngayong 2026, naging maselan ang pagbubuntis ni Mommy April sa kaniyang quadruplets. Aniya, nangayayat siya sa kanyang pagbubuntis dahil kahit tubig ay isinuka niya. Nasa ika-limang buwan na siya ng pagbubuntis nang makakain ng maayos, kuwento pa niya.

Malaking hamon kay Mommy April ang kaniyang kalagayan sa ngayon dahil bukod sa pag-aalaga sa mga anak ay nagpapagaling pa rin siya ng sugat mula sa operasyon.

Magkahalong breast milk at formula milk ang ipinaiinom sa apat dahil hindi niya kayang mag-solid breast feeding lalo na kung sabay-sabay na nagugutom ang mga anak, kuwento pa niya.

Nagpapasalamat naman si Mommy April sa kaniyang asawa at mga kamag-anak na nagsasalitan para mag-alaga sa apat. Masaya rin ang kanilang pamilya na nagpapadala ng gatas at diapers ang iba pang kamag-anak. May ipinadadalang tulong din ang mga katrabaho ng kaniyang asawa na isang manager sa isang resort. Nagbigay pa aniya ang ospital ng dalawang twin-strollers para sa mga apat na sanggol.

Ayon naman kay Calatagan Municipal Social Welfare and Development (MSWDO) Officer Grace Ann Joy Lira, kahit may kakayanan ang pamilya na itaguyod ang mga bata ay nagkusa ang lokal na pamahalaan na magbigay ng ayuda dahil mabigat ang gastusin kung apat na bata ang sabay-sabay na bibilhan ng pangunahing pangangailangan.

Ani Lira, inaayos na ng MSWDO ng Calatagan ang procurement ng paunang ayuda tulad ng gatas, diaper, at wipes, at titiyakin din na mapapacheck-up at mabibigyan ng libreng bakuna ang apat sa Rural Health Unit.

Dagdag pa ni Lira, mula nang umupo siya bilang MSWDO noong July 2022 ay si Mommy April ang unang ginang mula Calatagan na nanganak ng quadruplets na na-monitor ng ahensiya.

Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.