MAYNILA — Sugatan ang isang rider matapos tumilapon mula sa kanyang motorsiklo sa bahagi ng EDSA sa Caloocan dahil sa malalim na lubak sa kalsada pasado alas-dose ng madaling araw ngayong Linggo, Setyembre 27.
Dinala na sa pagamutan ang rider, habang nilagyan muna ng traffic cones ang nasabing lubak upang maalerto ang mga motoristang dumaraan sa lugar.
Sa ulat ng barangay, nadatnan na lamang ang rider na nakahandusay sa kalsada dahil sa malalim na lubak sa gitna ng kalsada na posibleng naging sanhi ng aksidente.
Ayon kay Barangay 94 tanod Reynaldo Gilip, “Nakita na lang namin noong dumating kami, yung tao nakahiga na sa kalsada.”
“May malalim na [lubak] doon sa gitna, parang nabalahaw. Na-out balance na siya,” ani Gilip.
Lacson seeks probe on EDSA rehab after new potholes emerge
Nagtamo umano ng mga galos sa paa at braso ang rider.
“May galos sa may parteng paanan [at braso],” dagdag pa niya.
Ayon sa parking boy na si Pepjan Noval, nakita niyang natanggal pa ang helmet ng rider sa lakas ng impact.
“Bigla pong kumalampag yung motor, tumilapon dito. Yung helmet niya, natanggal kaya yung kilay niya, basag,” ani Noval.
“Pagbagsak niya, hilo na siya e. Hindi na siya nakatayo. Kinuhanan ko ng damit na itim, nilagay ko sa ulo niya talos tumawag na [kami] ng barangay,” dagdag niya.
Sa CCTV ng barangay, makikita ang rider na binabagtas ang eastbound lane ng EDSA Caloocan nang bigla itong tumilapon sa kalsada. Agad namang rumesponde at tumulong ang ilang motoristang nakatambay sa tapat ng isang fast food restaurant.
Ayon sa motoristang si Justine Raine Carbo na halos araw-araw tinatahak ang kalsada, delikado ang mga lubak lalo na kapag umuulan dahil hindi agad ito nakikita.
“Kapag naulan, yung mga malalalim na nalubog, hindi siya visible sa daan. Bigla ka na lang magugulat, bigla kang lalagabog,” ani Carbo.
What caused new EDSA potholes? DPWH explains
Nanawagan ang mga residente ng barangay at mga motorista sa mga kinauukulan na agarang ayusin ang kalsada upang maiwasan ang mga aksidente.
“Yung kalsada diyan sa EDSA, dapat maayos yun kasi hangga’t nandoon yun, maraming madidisgrasya kung hindi maaayos,” ayon kay Gilip.
Dagdag pa ng mga saksi, ilang buwan na umano ang problema sa nasabing bahagi ng kalsada.
“Siguro may mga tatlo-apat na buwan na,” ani Gilip.
Sa ngayon, patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa mga motorista na mag-ingat, lalo na sa mga bahagi ng kalsada na may mga lubak.
“Mag-ingat na lang sana. Pagdating ng ganoong oras, huwag na masyadong [magtulin],” paalala ni Gilip.
RELATED VIDEO:

