Sugatan ang isang 2-anyos na batang lalaki matapos magulungan ng isang closed van sa Crispulo Street, Sanana Road, Barangay 180, Caloocan City nitong Biyernes, Setyembre 25.
Sa kuha ng CCTV pasado ala-1:00 p.m. sapul ang biglang pagtawid ng bata kasabay ng pagdaan ng closed van.
Nabangga nito ang paslit na napahiga sa kalsada at nagulungan ng unahan at likurang gulong ng sasakyan.
Agad huminto ang closed van at narinig na ang mga sigawan ng ilang residente sa lugar.
“Tumakbo lang siya sa may humps, tamang-tama naman dumaan 'yung sasakyan na 'yun. Dahan-dahan lang naman ang takbo ng sasakyan. Naglalaro lang siya (yung bata), may bantay naman siya,” kwento ni Rosita Orquejo na lola ng bata.
Ayon sa barangay, agad naisugod sa ospital ang dalawang taong gulang na bata ng kasunod na tricycle ng closed van habang sumama agad sa awtoridad ang 51-anyos na driver ng closed van para sa imbestigasyon.
“Ayon po sa salaysay ng driver, nabigla siya kaya niya nabangga. Bigla po kasing tumawid (yung bata), hindi niya napansin. Nagulat na lang siya tumalbog 'yung gulong niya, 'yun pala may bata. ‘Yung driver nag-voluntary surrender na po sa district,” sabi ni Gerry Cañeza na team leader ng Barangay 180 Public Safety Office.
Patuloy namang nagpapagaling sa ospital ang sugatang bata na nasa stable na kondisyon, ayon sa kanyang kaanak.
“Sabi nga sa akin, kumusta na yung apo mo? Kala daw nila nawala. Sabi ko buyag naman, okay naman. Naglalaro na nga siya eh, kumakain. Dahil tapat ng simbahan eh, siguro sinagip ng angel,” pagbabahagi ng kanyang lola.
Ayon sa pulisya, nagkaareglo rin ang dalawang panig matapos akuin ng driver ng closed van ang pagpapagamot sa bata.
“Basta tuloy-tuloy lang daw sila magtulong, areglo na lang. Kasi driver kawawa naman kasi baka hinihintay din ng mga anak niya,” dagdag pa ng lola.
Pinaigting naman ng barangay ang pagbabantay sa Sanana Road para maiwasan na maulit ang insidente at nagpaalala sa mga magulang na tiyaking bantay-sarado ang mga bata lalo kapag nasa labas.
“Marami pong daan dyan papuntang Bulacan, papuntang Quezon City, lahat po ng lusutan pwede dyan. Shortcut-an po yan halos ng karamihan ng motorista,” ani Cañeza.

