MAYNILA — Inanunsyo ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ngayong Lunes na mula sa nasa 70,000 aplikante, 3,000 lamang ang kaya ng pamantasan na tanggapin para sa school year 2026-2027.
Sa flag ceremony sa Manila City Hall, sinabi ni PLM President Domingo Reyes Jr.na katumbas ito ng 4.29 percent ng kabuuang bilang ng mga aplikante.
Nasa 70 porsyento naman aniya ng mga natanggap ay mga residente ng Maynila.
“Pasensya na po, hindi natin mapagbibigyan lahat ng gustong mag-aral sa PLM,” dagdag niya.
Sa kabila nito, inaasahan ng pamunuan ng PLM na mas marami pa itong matatanggap na mga estudyante sa mga susunod na taon kapag naitayo ang bagong Health Sciences Building.
Ayon kay Manila Mayor “Isko Moreno” Domagoso, nasimulan na ang pagtatayo ng naturang gusali. Aniya, 132 sa 340 piles na magsisilbing pundasyon ng gusali ang nailatag na.
Samantala, naglaan ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng nasa P82.7 milyon para sa Social Amelioration Program (SAP), na nagbigay ng tulong pinansyal sa 8,271 estudyante ng pamantasan.
Ayon kay Reyes, umabot na sa P125 milyon ang kabuuang subsidiya na ibinigay ng lokal na pamahalaan sa PLM para sa mga pangangailangang pinansyal at kagamitan ng mga estudyante.
Samantala, nasa 65,000 na ang aplikante para sa PLM Admission Test (PLMAT) para sa susunod na school year. Magsasara ang aplikasyon sa Setyembre 30.
