← Back to Home

Vice Mayor at kapitan nagkasagutan sa gitna ng forum sa Reina Mercedes, Isabela

Sa kabila ng pag-awat sa kanila, hindi nagpatinag ang dalawa.

🕒 10/6/2026, 3:26:24 AM•369 words•EN

. .

#Session#LGU#Kapitan#Tax#Reina Mercedes#Isabela.

Nagpalitan ng maaanghang na salita at nagsigawan si Reina Mercedes Vice Mayor Harold Respicio at ang kapitan ng Barangay Sinippil sa isinagawang Civilized Forum sa munisipyo ng Reina Mercedes, Isabela noong Lunes, Oktubre 5. Courtesy: Ka Ballug via Cezar Galasi

REINA MERCEDES, Isabela — Nagpalitan ng maaanghang na salita at nagsigawan si Reina Mercedes Vice Mayor Harold Respicio at ang kapitan ng Barangay Sinippil sa isinagawang Civilized Forum sa munisipyo ng Reina Mercedes, Isabela noong Lunes, Oktubre 5.

Ayon kay Respicio, layunin ng forum na alamin kung saan ginamit ng mga kapitan ng barangay ang pondo mula sa tobacco excise tax.

Nagsimula ang pagsigaw ni Respicio nang tanungin nito ang isang kapitan tungkol sa isang proyektong nagkakahalaga umano ng P5 milyon sa kanilang barangay na hindi umano naisagawa.

“Puro ghost project ang nangyayari sa pera ng taumbayan. Dapat ibigay na lang na cash sa mga tobacco farmers ang excise tax,” paliwanag ni Respicio.

Tumaas ang boses ng bise alkalde at tinawag na sinungaling ang mga naroroon matapos umanong hindi direktang masagot ng kapitan ang kaniyang tanong kung nasimulan o natapos na ang naturang proyekto.

Sinita naman si Respicio ng isa sa mga kapitan at sinabing hindi dapat pasigaw ang pakikipag-usap nito sa kanila.

Ipinaliwanag ni Respicio na nasa isang “Civilized Forum” sila at ngayon lamang umano nila pag-uusapan nang prangka ang tungkol sa mga proyekto.

Kasunod nito, tinanong naman ang kapitan ng Barangay Sinippil tungkol sa umano’y panghaharang sa mga magsasaka ng tabako.

Tahasan itong sumagot at gumanti ng duro kay Respicio, na naging simula ng palitan ng maaanghang na salita sa pagitan ng dalawa.

Sa kabila ng pag-awat sa kanila, hindi nagpatinag ang dalawa.

Tinawag ng kapitan si Respicio na “bastos,” habang tinawag naman siya ng bise alkalde na “magnanakaw.”

Sa huli, sinabi ni Respicio na humingi rin siya ng paumanhin sa mga kapitan at nagkapatawaran sa nangyari.

Samantala, base naman sa post ng official Facebook page ng Bgy. Sinippil, ipinakita nila ang isang barangay health station, child development center at ilang kalsada na umano'y galing sa tobacco excise tax.

"Patunay na sa Barangay Sinippil, maayos at ramdam ang serbisyo para sa lahat! " ayon sa barangay.

Sa ngayon ay wala pang pahayag ang kapitan ng barangay ukol sa nangyari. 


          

Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.