Sa Isla Patnanungan—isang bayang parang laging may delay ang balita—may isang nanay na tuwing umaga ay may bagong kuwento.
“Yung anak ko,” sabi ni Aling Nena habang nagbabalot ng pinatuyong isda, “artista na sa Maynila. Girlfriend niya raw ay isang artista, ang pangalan ay Anne.”

Napapahinto ang mga kapitbahay. Si Anne? ‘Yung nasa commercial ng shampoo? ‘Yung bida sa lahat?
“Oo,” dugtong ni Aling Nena, seryoso. “Malapit na silang ipakilala bilang loveteam. Tahimik lang muna, ha. Ayaw ng manager ng maingay.” Tahimik din ang mga kapitbahay—hindi dahil naniniwala, kundi dahil walang gustong sumira sa ngiting puno ng pag-asa ng isang nanay.
Si Aling Nena ay dating fan noong panahong na ang sine ay takbuhan ng nalulungkot. Tuwing dumadayo sila sa Quezon mula Patnanungan, sine ang pabuya sa mahabang byahe sa bangka. Balewala sa kanya ang pila sa takilya, nilulubos niya ang pag-iyak sa mga ending, at baon sa puso ang paniniwalang sa mga kwentong umaayos basta kasama ang mahal mo. Ngayon, isda ang hanapbuhay niya, radyo ang maasahang aliwan, dahil ang signal ng TV at internet ay mabuhay-mamatay, at ang anak niyang si Berto ang bagong pelikula ng buhay niya.
Si Berto, sa totoong mundo, ay isang TV bit player.
‘Yung tipong “Manong na tinanong,” “Guard #2,” o “Lalaking nabangga sa eksena.” Isang linya kung mapalad. Dalawang segundo sa frame kung mabait ang editor. Hindi siya sikat, hindi rin siya kilala. Pero kapag tumatawag siya sa probinsya, iba ang script.
“Nay,” sabi niya minsan sa telepono, “katabi ko kanina si Anne sa eksena.” Tahimik muna si Aling Nena. “Talaga?”
“Oo. Mabait siya. Tinawag pa nga akong ‘Bert.’ Sabi niya, ‘Relax ka lang. Isipin mo, ako lang ‘yung kaklase mo noong elementary, para ‘di ka kabahan.’”
Napangiti si Aling Nena. “Ay, ganun talaga ang mga totoong superstar. Simple at hindi matapobre”.

Doon nagsimula ang lahat. Ang kasunod na kuwento ay “Nay, sabay kaming mag-lunch lagi ni Anne, at nagtatawagan bago matulog.” Para magmukhang totoo, nag-iipon si Berto ng ebidensya. Selfie siya sa labas ng studio—kahit guardhouse lang naman. “After taping,” caption. Picture ng catering food—kahit tira-tirang pansit. “Favorite ni Anne.” Isang beses, nagpadala pa siya ng blurred photo ng likod ng isang babae sa malayo. “Siya ‘yan, ‘Ma. Ayaw lang magpa-picture.”
“Respeto naman,” sagot ng nanay. “Tama ‘yan.”
Nakakatawa sa umpisa. May mga gabi na halos matawa si Berto sa sarili niyang imbento. Pero tuwing tatawa siya, may kasamang kaba. Kasi alam niyang hindi lang loveteam ang kasinungalingan—pati ang katotohanang bumagsak siya sa college. Na hanggang ngayon, umaasa siya sa bit roles, sa pamasahe ng kaibigan, sa utang sa boarding house. Kapag nakaluwag-luwag, mag-eenrol uli.
“Pansamantala lang,” bulong niya sa sarili. “Sisikat din ako balang araw.”
Hanggang sa isang gabi, sa birthday ni Aling Nena, nasabi niya ang pinakamalaking kasinungalingan.
“Ma,” sabi niya, pilit ang saya, “ilala-launch na raw kami next month. Na-surprise ka, ‘no?” Wala kasi kayang ibigay, at ang pangitiin ang nanay lang ang pinakamura pero pinakamagandang regalo.” Hindi niya alam na literal ang magiging surprise.
Isang umaga, dumating si Aling Nena sa Maynila. Naka-bestida, may bayong ng kakanin, at may ningning sa mata na parang papasok sa premiere night. Sa gate ng studio, maayos siyang ngumiti sa guard.
“Ako po ang nanay ni Berto,” sabi niya. “Pupuntahan ko lang po ang anak ko at si Anne.” Pinapasok siya—akala ng guard, extra o kamag-anak ng staff.
Sa loob, parang ibang mundo. Ilaw na mas maliwanag pa sa tanghali, sigawan ng director, takbuhan ng crew. Nakita niya si Berto sa malayo— naka-sando, may pekeng bigote. Kumaway siya nang buong-buo. “Anak!” sigaw niya.

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Berto. “Ma?!” bulong niya. “Bakit nandito ka?”
“Surprise! Sumabay ako doon sa byahero na lumuluwas sa Maynila.” masayang sagot. “Nasaan si Anne?”
Hindi pa siya nakakaisip ng sagot nang dumaan mismo si Anne—napapalibutan ng staff, pero may mukha pa ring kalmado. Parang bumagal ang paligid. Lumapit si Aling Nena, nanginginig pero matapang. “Iha,” sabi niya, “ako po ang nanay ni Berto.”

Ngumiti si Anne, magalang at may init. “Hello po.”
“Hala,” sambit ni Aling Nena, “mas maganda ka pala sa personal.”
Napatawa si Anne. “Salamat po.”
“Mag-iingat ka sa anak ko ha,” dagdag ni Aling Nena, seryoso. “Medyo makulit ‘yan.”
May halakhakan sa paligid. Si Berto, gusto nang maglaho.
Ngunit hindi umalis si Anne. Tumingin siya kay Berto at tila nababasa ang sitwasyon. Umupo siya sandali. “Kumusta po kayo, Tita?” Nagkwento si Aling Nena—tungkol sa probinsya, sa gulay, sa unang pelikulang napanood niya. Nakinig si Anne, hindi nagmamadali, hindi nagmamaasim. Isang sandaling tahimik, pero totoo.
“Mabait po si Berto. Maasikaso. Isa siyang mabuting kaibigan.” pagtatapos ni Anne.
“Kaibigan? Akala ko ba ay…” bulong isip ni Aling Nena.
Nang mag-break ang taping, hinarap ni Aling Nena ang anak niya sa isang sulok. Wala nang ngiti. Wala nang palabas.
“Anak,” mahina niyang sabi, “may gusto ka bang sabihin sa akin?”
Hindi makatingin si Berto. “Ayokong isipin mong wala akong narating, Nay….”
“Akala mo ba,” nanginginig ang boses ng nanay, “yun lang ang sukatan?” Umupo siya. Parang gumuho ang set at bumagsak sa ulo niya.
“Hindi mo ba ako ikinahihiya, Nay?” tanong niya.
“Hindi,” sagot ni Aling Nena. “Nasaktan lang. Kasi mas pinili mong lokohin ako kaysa magsabi ng totoo.”
Tahimik sila. Sa malayo, may sumisigaw ng “Rolling!”
Huminga nang malalim si Aling Nena. “Noong bata ako,” sabi niya, “pangarap ko lang manood ng sine. Hindi maging artista. Ikaw, andito ka na. Kahit extra ka pa lang. Pero na telebisyon ka pa rin. Totoo ‘yun.” Napaluha si Berto. “Pasensya ka na sa akin, ‘Nay.”

Hinawakan ng nanay ang kamay niya. “Anak, hindi kita minahal dahil akala ko sikat ka. Minahal kita dahil ikaw ka.”
“Berto, aralin mo na ang blocking!” Sigaw ng PA.
Tumango lang si Aling Nena, sinundan ng tingin ang papalayong anak, at tahimik na umalis.
Bago siya makalabas ay nasalubong niya si Anne. Isang ngiti, isang mahigpit na yakap. Walang pagkukunwari. “Tita,” sabi niya, “mahirap po talaga ang industriyang ‘to. Marami pong nagsisimula sa maliit. Ganon rin naman ako.” Tumingin si Aling Nena sa kanya. “Salamat, iha.”

Pag-uwi ni Aling Nena sa probinsya, iba na ang kuwento.
“’Yung anak ko,” sabi niya sa kapitbahay, “nasa TV. Kitang-kita ko. Hindi pa sikat. Pero totoong kasama niya si Anne. Panoorin n’yo ha.”
At sa Maynila, sa isang eksenang halos hindi mapapansin, may isang bit player na mas tuwid ang tindig. Hindi pa siya bida. Wala pa ring loveteam. Pero sa unang pagkakataon, hindi na rin siya umaarte sa sarili niyang buhay.

* Images enhanced using AI filters
* All characters and events in this work are fictional. Any similarity to real persons, living or dead, or actual entities is unintentional and coincidental.