← Back to Home

Lalaki tila nag-shopping sa niloobang bahay sa Rizal, pati rosaryo tinangay

Pinaghahanap na ng awtoridad ang lalaking nasapul sa CCTV na nanloob sa isang bahay sa isang subdivision sa Barangay Mahabang Parang, Binangonan, Rizal noong Sabado, Setyembre 26.

🕒 9/30/2026, 11:53:27 PM•352 words•EN
Christopher Sitson

Christopher Sitson

Christopher Sitson, a multiplatform reporter for ABS-CBN News, covers crime and general assignments. He began as a news writer and anchor for Radyo 630’s "Headline Ngayon." A cum laude graduate, he holds a Communication degree from FEU.

#nakaw#akyat-bahay#binangonan#rizal#barangay mahabang parang#CCTV patrol

Pinaghahanap na ng awtoridad ang lalaking nasapul sa CCTV na nanloob sa isang bahay sa isang subdivision sa Barangay Mahabang Parang, Binangonan, Rizal noong Sabado, Setyembre 26. Contributed via Christopher Sitson, ABS-CBN News

MAYNILA — Pinaghahanap na ng awtoridad ang lalaking nasapul sa CCTV na nanloob sa isang bahay sa isang subdivision sa Barangay Mahabang Parang, Binangonan, Rizal noong Sabado, Setyembre 26.

Dumating sa tapat ng bahay ang lalaki nang walang anumang dala at dahan-dahang pumasok sa gate pasado alas-3 ng madaling araw.

Ayon sa kapatid ng may-ari ng bahay, hindi nakuhanan sa CCTV pero unang pinunterya ng kawatan ang dalawang folding bike sa garahe na agad nitong inilabas.

Kapansin-pansin din na nakasuot na ito ng itim na jacket na kanya ring ninakaw.

Muli itong pumasok sa bahay at umakyat sa ikalawang palapag kung saan iniisa-isa naman niyang pasukin ang mga nakabukas na kwarto.

Kumuha siya ng isang shopping bag at isinilid ang mga nakursunadahang mga gamit.

Hindi rin nilampasan ng kawatan ang altar ng bahay.

“Yung kaliwa kasi altar, binuksan din nya kumuha sya ng isang rosary. Hindi siya kumuha ng sumbrero na mumurahin, yung original ang kinuha niya. May mga pabango, damit, at mga original na sapatos kinuha. After niya mag-shopping sa taas, paglabas niya naka-jacket na siya na itim,” kwento ng kapatid ng may-ari ng bahay.

Sapul din ang pagtangay ng kawatan sa e-bike na nagkakahalaga ng P100,000 na kanyang ginamit bilang getaway vehicle.

Bukod sa e-bike at mga mamahaling gamit, nakuha rin ng lalaki ang P20,000 na cash mula sa isang wallet at alkansya.

Ayon sa kapatid ng homeowner, mahimbing ang tulog ng kanyang nanay, tatlong pamangkin at kasambahay na naiwan sa bahay nang mangyari ang insidente.

“Siguro kung may nagising sakanila baka may kung ano pang nangyari kasi ang tagal nung operation nung magnanakaw na umiikot doon sa loob ng bahay. Baka may dalang patalim pa yan,” sabi pa niya.

Kinaumagahan ay agad nagpasaklolo sa pulisya at barangay ang mga biktima nang mapag-alamang nalooban na sila.

Patuloy naman ang follow-up operation ng Binangonan Police para mahuli ang suspek habang pinaigting pa ang seguridad sa lugar.


KAUGNAY NA VIDEO


Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.