MAYNILA — Lima ang sugatan matapos gumuho ang isang dalawang-palapag na bahay sa Binondo, Maynila, Huwebes ng gabi.
Ayon sa barangay, isang pamilya ang nakatira sa naturang bahay sa Sevilla Street, Barangay 272 na mahigit 50 taon na ang tanda.
Batay sa ulat ng Manila Police District, kabilang sa limang sugatan ang isang 14-anyos na binatilyo at isang 29-taong-gulang na babae.
Nasa ospital na ang mga sugatan sa insidente.
Sa kuha ng CCTV ng barangay, makikitang matao ang lugar bago ang insidente dahil dinaraanan ito ng mga estudyanteng pauwi.
“Pagdating po kasi ng 7 to 7:30 p.m. po talaga ay daanan po yan ng estudyante. Talagang punong puno po yang kalye na yan pagdating ng ganoong oras at sa awa ng Diyos, buti nga at hindi ganoong oras nangyari yung aksidente,” sabi ni Barangay Kagawad Robin Joy Cantos.
Mahigit isang oras matapos ang dagsa ng tao sa lugar, bigla na lang gumuho ang bahagi ng bahay.
“Yung may-ari po ng bahay naman ay wala po sila. Sakto namang walang tao doon sa loob ng bahay kasi sumasamba po sila sa kanilang simbahan,” dagdag ni Cantos.
Ang harapang bahagi ng bahay, partikular ang veranda, ang unang bumigay.
“According po doon sa itsura ng bahay kanina, doon sa may parang veranda po siya. Yun po yung bumigay, yung harapan po ng bahay,” ani Cantos.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kinalaman ang kalapit na mga gusali sa paligid, kabilang ang isang bagong tayong istruktura, sa pagguho ng bahay.
“Hindi pa rin po namin sure kung naapektuhan po ng dalawang building po na yung isang naitayo tsaka yung tinatayo po ngayon na building na nag-apply naman ng permit before ng mga five months ago pa,” saad niya.
Isa sa mga naapektuhan si Dolores Candaza, 50 taong gulang at matagal nang nagtitinda ng samalamig sa tapat ng bahay, na na-trap sa insidente ngunit agad na nailabas ng mga rumespondeng awtoridad at residente.
“Para daw may bumabagsak. Maya-maya, yun na yun. Lumagabog na siya. Yun na, nabagsakan na kami diyan,” ani Candaza.
“Pasalamat na lang talaga na walang nadisgrasya samin. Di bale na yung paninda, wag lang kami madisgrasya,” dagdag niya.
Agad namang kinordon ng mga awtoridad ang lugar habang nagpapatuloy ang assessment ng Manila DRRM Department at Engineering Department ng lungsod.
“Kinordon na po muna yung area na pinagbagsakan and tomorrow po, hopefully, maimbestigahan na po ngayon Engineering Department ng City of Manila,” ayon kay Cantos.
Samantala, ayon kay Roderick Bautista, dating barangay chairman na rumesponde sa insidente, mananatiling sarado ang bahagi ng kalsada habang hinihintay ang resulta ng inspeksyon.
“Sabi ng MDRRMO, istambay lang muna. Kordonan na lang muna namin kasi hindi pa makapagdesisyon ang engineering,” ani Bautista.
IBA PANG BALITA:
7 reported dead in suspected gas poisoning incident in Benguet tunnel portal
Sapul sa video: Pagguho ng lupa sa Bontoc, Mountain Province
Police bust robbery group linked to Central Luzon incidents

