MAYNILA — Sumiklab ang tensyon sa pagitan ng mga bilanggo at ilang tagapangasiwa sa loob ng Pasig City Jail - Male Dormitory nitong Biyernes ng tanghali, ayon sa kumpirmasyon ng Bureau of Jail Management and Penology.
Ayon kay Jail Superintendent Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng BJMP at hepe ng Community Relations Service Office, alas-12:15 ng tanghali nang mag-noise barrage ang mga bilanggo sa isang selda matapos ang isinagawang drug testing.
"Wala pong malaking gulo o riot na nangyari diyan sa Pasig City Jail. Ito po ay isang isolated na noise barrage lamang," paglilinaw ni Bustinera.
"Nag-ingay lamang po iyong isang selda after noong ginawa ng BJMP na pag-drug test sa mga PDL," dagdag niya.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng BJMP na sampung bilanggo ang nagpositibo sa ilegal na droga.
Bahagi ng alituntuning ipinatutupad ng BJMP na kailangan ilipat sa hiwalay na selda ang mga nagpositibo sa ilegal na droga, at hindi maaring isama sa parehong selda ng mga nagnegatibo.
Ang mga naiwan sa selda, ayon kay Bustinera, ang umano'y nanguna sa naturang pag-iingay.
"According to our initial investigation, itong mga ito ay, alam niyo naman po iyong mga leader na, kumbaga sila iyong namumumo sa selda na iyon. At nang hiniwalay ay nag-ingay iyong mga ka-selda nila," saad ni Bustinera.
Hindi na umano ito humantong pa sa gulo at naibalik sa normal na operasyon ang Pasig City Jail, pati na ang visiting hours para sa mga preso.
Ayon pa kay Bustinera, posibleng ang nagpasok o nagdala ng ilegal na droga ay ang bumisitang kaanak o kakilala ng bilanggo.
"Tuluy-tuloy kasi iyong pag-che-check natin ng mga kontrabando sa loob. And dahil may intelligence report na allegedly may nakapasok, o may ipinasok sa loob ng piitan... to validate, ay nag-conduct ng drug test doon sa target o suspect natin na mga pinagdalhan na PDL. At ito nga, nag-positive sa drug test," paliwanag ni Bustinera.
Walang sugatan o nasawi sa nangyari sa piitan ayon sa BJMP.
Habang nakikipag-ugnayan na sila sa pulisya para sa kaukulang hakbang ng pagtukoy at pagtunton sa nagpasok ng ilegal na droga.

