Kuha ni Michael Delizo, ABS-CBN News
MAYNILA — Humarap sa Land Transportation Office nitong Biyernes ang pickup truck driver na nag-viral at kinagalitan ng netizens matapos sabihang “sayang at ‘di pa namatay” ang sumemplang na rider sa EDSA sa Caloocan City.
Ayon sa respondent na si Ferdinand Winston Roxas, pinabalik pa siya sa Lunes ng Intelligence and Investigation Division (IID) dahil hindi niya kasama ang abogado sa pagharap nitong Biyernes.
Pinagsusumite ng IID si Roxas ng sworn explanation kaugnay ng reklamong distracted driving at improper person to operate a motor vehicle.
Sakaling mapatunayan ang paglabag, maaaring mapatawan ng multa at bawiin o suspendihin ang kanyang lisensya sa pagmamaneho.
Pinasusuko rin kay Roxas ang kanyang lisensya na pansamantalang pinatawan ng 90 na suspensyon habang wala pang resolusyon ang mga reklamo.
Driver na nagvideo, nagkomento sa sumemplang na rider, suspendido ang lisensya
Tumanggi munang magbigay ng panayam si Roxas habang gumugulong ang proseso sa reklamo.
Nauna nang sinabi sa ABS-CBN News ni Roxas na nadala lamang siya ng emosyon nang mangyari ang insidente, pero hindi niya umano pinagsisisihan ang nagawa.
“Naiinis ako eh. Dahil nasayang ‘yong oras ko sa kaniya,” ani Roxas. “Nasabi ko ‘yon dahil na-traffic ako ng sobra. ‘Yong mga motor kasi medyo pasaway sila sa daan. Kung responsable kang magmotor, maiiwasan mo ang aksidente.”
Ayon LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao, hindi katanggap-tanggap ang inasal ni Roxas.
“‘Yong ginawa niya na ‘yon na sinabihan niyang dapat na mamatay ‘yong tao, hindi ‘yong katanggap-tanggap lalo na ikaw ay nagmamaneho,” saad ni Lacanilao.
“Maging mahinahon at magalang tayo,” paalala pa niya.
