MAYNILA — Patay ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa loob ng isang bahay sa Tondo, Maynila, madaling-araw ng Biyernes, Oktubre 2, 2026.
Batay sa inisyal na ulat ng Manila Police District, nangyari ang insidente bandang alas-2:00 ng madaling-araw sa loob ng isang bahay sa Molave Extension, Bgy. 194.
Kinilala ang isa sa mga nasawi na isang 42-anyos na residente ng barangay. Hindi pa naman inilalabas ng pulisya ang buong detalye tungkol sa ikalawang biktima.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakarinig umano ng sunod-sunod na putok ang ilang residente bago natagpuan ang dalawang biktima na nakahandusay at may mga tama ng bala sa katawan.
Sa kuha ng CCTV ng barangay, makikita ang apat na salarin na naglalakad patungo sa eskinita kung saan nakatira ang biktima habang hawak ang kani-kanilang mga baril.
Ilang minuto lang ang lumipas, nakitang lumabas na ng eskinita ang mga salarin at mabilis na tumakas.
"Apat na mga naka-facemask, nakasumbrero, nakahood pa… malinaw naman sa CCTV," ayon kay Imelda Paraiso, chairwoman ng Barangay 194.
Kuwento ng live-in partner ng isa sa mga biktima, nasa loob sila ng kuwarto nang mangyari ang pamamaril.
"Nasa loob po kami ng kwarto tapos may narinig po akong putok… bigla na lang pong pinutukan din po ang partner ko," aniya.
Dahil sa takot, agad umano siyang tumabi at nagkubli para maiwasang tamaan ng bala.
Agad namang rumesponde ang pulisya matapos makatanggap ng tawag mula sa barangay.
Hinala ng barangay, may kaugnayan sa ilegal na droga ang insidente.
"Pot session kasi naman talaga yan. Yan ang malaking problema namin dito. May mga pulis na sinasabihan naman namin na paano natin sosolusyunan ito. Kaya lagi yang pinapasadasahan kumbaga parang ginagawan na nila ng surveillance yan," dagdag ng punong barangay.
Sa kasalukuyan, patuloy ang follow-up investigation at manhunt operations ng pulisya para sa pagdakip sa mga salarin habang sinuri na rin ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ang pinangyarihan ng krimen.

