← Back to Home
Lalaki, timbog sa pagnanakaw ng P1.3M halaga ng alahas sa Valenzuela

Lalaki, timbog sa pagnanakaw ng P1.3M halaga ng alahas sa Valenzuela

Arestado ang isang 21-anyos na lalaki matapos mahuli sa aktong nagnanakaw ng nasa P1.3 milyong halaga ng mga alahas at mamahaling gamit sa isang bahay sa Barangay Canumay West, Valenzuela City nitong Huwebes, Oktubre 1.

🕒 10/4/2026, 10:45:39 PM•376 words•EN
Bea Cuadra

Bea Cuadra

Bea Cuadra is a multiplatform reporter for ABS-CBN News focusing on police and crime beat stories. A Summa Cum Laude graduate of Assumption College, she has previously worked as a news monitoring and desk officer for the Integrated News and Current Affairs Division.

#Robbery#Lalaki#Arestado#Valenzuela City


Arestado ang isang 21-anyos na lalaki matapos mahuli sa aktong nagnanakaw ng nasa P1.3 milyong halaga ng mga alahas at mamahaling gamit sa isang bahay sa Barangay Canumay West, Valenzuela City nitong Huwebes, Oktubre 1.

Narekober mula sa suspek ang dalawang mamahaling relo at assorted na alahas, pati na rin ang isang calibre .22 na baril na walang kaukulang dokumento.

"Narecover po mula sa suspect ang isang relo na Rolex na nagkakahalagang P400,000 at isa pa pong relo na nagkakahalaga naman ng P100,000, assorted na alahas na nagkakahalaga ng P800,000," ani Police Major Robin Santos ng Valenzuela Police Station Investigation and Detective Management Section.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dumaan ang suspek sa sliding window sa ikaapat na palapag ng gusali upang makapasok sa bahay.

Nasa loob ng kanyang kuwarto ang biktima nang makarinig ng kahina-hinalang galaw mula sa kanilang walk-in closet.

"Tumutunog 'yung doorknob at tila ito ay binubuksan... Dahil dito po ay nasilip niya mula sa awang ng kanilang pintuan na mayroong taong pumapasok sa walk-in closet," kwento ni PMaj. Santos.

Agad aniyang humingi ng saklolo ang biktima sa kanyang anak na nasa unahang bahay ng compound. Dito na lumabas ang anak at saktong nakasalubong ang mga nagpapatrolyang operatiba ng detective unit ng pulisya.

Pagdating ng mga awtoridad sa bahay, naaktuhan nila ang suspek na nagtangka pang tumakbo ngunit agad din naaresto.

Ayon sa record ng pulisya, dati nang nakulong ang suspek dahil sa pagkakasangkot sa pagnanakaw at ilegal na droga.

"Ang ating pong suspect ay dati na rin pong naaresto sa kaso may kaugnayan sa pinagbabawal na gamot. Ganon din po ang pagpasok sa bahay dito po sa bandang Bulacan," dagdag ng opisyal.

Umamin ang suspek sa ginawang pagnanakaw. "Wala po, gipit na gipit po eh… Wala na po ako naisip na ano wala rin po trabaho," paliwanag nito.

Dahil sa insidente, nagpaalala ang pulisya sa publiko na tiyaking nakakandado ang mga tahanan bago matulog o umalis ng bahay

"Ating siguraduhin na nakasarado ang ating mga pintuan, ang ating mga bintana, lalo na sa dis oras ng gabi upang maiwasan po yung mga ganitong pangyayari," paalala nito.

Kasalukuyan nang nakakulong ang suspek na nahaharap sa mga kasong robbery at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act matapos na makuhanan din ng baril.

Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.