Sugatan ang isang 56-anyos na e-trike driver matapos madaganan ng kanyang tumagilid na e-trike sa northbound lane ng Osmeña Highway sa Malate, Maynila, Huwebes ng gabi. Courtesy: Anthony Dela Cruz via Eon Sanchez
MAYNILA — Sugatan ang isang 56-anyos na e-trike driver matapos madaganan ng kanyang tumagilid na e-trike sa northbound lane ng Osmeña Highway sa Malate, Maynila, Huwebes ng gabi.
Ayon sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nangyari ang insidente bandang alas-11:30 ng gabi.
“Nakita namin siya, nakadagan na sa kanya 'yung sasakyan niya. Kaya inangat na agad. Tinulungan ko lang 'yung guwardiya... Palagay po namin lasing,” ayon sa Barangay Tanod na si Jonathan Vicente.
Ayon naman sa security officer na si William Manangan, una siyang nakarinig ng malakas na kalabog bago niya nakita ang nangyari sa drayber.
Wala aniyang pasahero ang e-trike at walang ibang sasakyan sa kalsada nang mangyari ang insidente.
“Nakita ko na lang nadaganan 'yung tao. Nalaglag 'yung tao... 'Yung ulo nadaganan tapos plakda siya. Matagal na hindi gumalaw. Akala nga namin patay na e. Kalaunan, gumalaw rin 'yung tao. Duguan,” dagdag ni Manangan.
Inabot ng halos kalahating oras bago dumating ang rescue team at ambulansya sa lugar.
Nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa northbound lane ng Osmeña Highway ang insidente, ngunit lumuwag din ito makalipas ang 10 hanggang 15 minuto matapos makaalis ang ambulansya.
Patuloy na nagpapagaling sa ospital ang biktima, habang nangangalap naman ng CCTV sa lugar ang mga awtoridad bilang bahagi ng imbestigasyon upang matukoy ang tunay na sanhi ng insidente.
