MAYNILA — Tinatayang pumalo sa mahigit P30 milyon ang pinsala sa istruktura ng isang 3-story commercial building matapos itong matupok ng sunog na umabot sa ikalimang alarma sa Dr. A. Santos Ave., UPS 5, Barangay San Isidro, Parañaque City, nitong Sabado ng madaling araw, Setyembre 26, 2026.
Wala namang naiulat na nasaktan, namatay, o nawawala sa sunog na tumagal ng mahigit anim na oras, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Batay sa imbestigasyon ng BFP, nagsimula ang apoy sa gitnang bahagi ng ground floor kung saan nakapuwesto ang isang hardware store. Dahil sa mga madaling mag-apoy na materyales tulad ng pintura, thinners, plywoods, at electrical wires, mabilis na itinaas ang antas ng alarma mula 1st alarm noong 11:35 p.m. ng Biyernes hanggang sa umabot sa 5th alarm noong 12:14 a.m. ng Sabado.
Hanggang nitong 4:40 a.m. ng Sabado ay nakataas pa rin sa ikalimang alarma ang sunog, kung saan humigit-kumulang 80 fire truck na ang rumesponde, kabilang ang ilang nagmula pa sa Laguna at Cavite upang tumulong sa pag-apula sa apoy.
"Inakyat natin sa 5th alarm kasi kanina noong ina-assess natin yung sunog ay ang involved na contents ay meron tayong mga pintura tyaka mga construction materials kasi itong building," paliwanag ni Parañaque City Fire Marshal FSUP Liher Barrios.
Ayon pa kay Barrios, wala silang naging pangunahing problema sa pag-apula ng apoy dahil maraming rumespondeng bumbero at sapat umano ang supply ng tubig mula sa dalawang hydrant na malapit sa lugar.
Kuwento ng security guard ng gusali na si Ariel Seva, narinig niya ang isang pagsabog sa loob ng establisimyento bago tuluyang sumiklab ang malaking apoy.
"Mga 11:40 pm nandito ako sa labas. May narinig ako na pagsabog doon sa loob. Hindi ko lang muna pinansin kasi nasanay na rin ako na palagi naman may kumakalampag diyan kasi [ginagalaw] ng pusa yung mga pintura," ani Seva.
"Hindi ko muna pumasok. Noong pagpasok na ako, mga ilang minuto, nakita ko malaki na ang apoy. May mga apoy na sa loob sa may pinaka-hallway namin. Nagtakbo na ako palabas kasi hindi ko kaya. Ma-suffocate na ako sa loob e. Nanghingi na ako ng tulong sa mga enforcer diyan magtawag ng bumbero," dagdag nito.
Nilinaw ni Seva na nakapatay ang linya ng kuryente sa gusali bago nangyari ang insidente.
"Yung kuryente namin, naka-off ang mga breaker niyan tuwing pag-out ng mga empleyado namin. Naka-off yan lahat ng mga breaker kaya yung mga kuryente diyan, secured yan... Sa mga locker (thinner) yata, mga pintura, yung mga kemikal. May mga kemikal kasi diyan e. Yung sa pintura talaga mga locker siguro. Nasobrahan ng init," dagdag nito.
Nakapaglabas naman ng ilang kagamitan ang ilang empleyado ng hardware bago tuluyang lumaki ang apoy. Tumanggi muna silang magbigay ng pahayag kasama ang may-ari ng establisimyento habang patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang eksaktong sanhi ng sunog.

