← Back to Home
3 sugatan sa karambola ng 7 sasakyan sa Roxas Boulevard

3 sugatan sa karambola ng 7 sasakyan sa Roxas Boulevard

Tatlo ang sugatan matapos magkarambola ang pitong sasakyan sa northbound lane ng Roxas Boulevard malapit sa kanto ng Pedro Gil sa Ermita, Maynila, Linggo ng gabi.

🕒 9/27/2026, 11:08:25 PM•377 words•EN
Eon Sanchez

Eon Sanchez

Eon Sanchez is a reporter for ABS-CBN News covering the Metro beat. He earned his Broadcasting degree from the Polytechnic University of the Philippines, magna cum laude. Before joining the newsroom, he served as Editor-in-Chief of The Communicator, the official student publication of PUP College of Communication.

#karambola#vehicular incident#roxas blvd#pedro gil st.#manila

MANILA — Tatlo ang sugatan matapos magkarambola ang pitong sasakyan sa northbound lane ng Roxas Boulevard malapit sa kanto ng Pedro Gil sa Ermita, Maynila, Linggo ng gabi.

Batay sa ulat ng Manila Police District - District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nangyari ang insidente bandang alas-10:30 ng gabi.

Kabilang sa mga sangkot ang dalawang motorsiklo, dalawang SUV, isang L300 van, isang e-taxi, at isang wing van truck.

Sa paunang imbestigasyon, sabay-sabay umanong bumibiyahe ang mga sasakyan sa northbound lane ng Roxas Boulevard nang huminto ang dalawang motorsiklo sa stoplight ng Pedro Gil.

Pero ayon sa pulisya, hindi napansin ng mga sasakyang nasa likuran ang traffic signal kaya naganap ang sunod-sunod na banggaan.

Unang bumangga ang isang SUV sa dalawang motorsiklo sa unahan, na sinundan pa ng iba pang sasakyan hanggang sa madamay ang pitong unit.

Ayon sa pahinante ng truck, biglang nag-red light sa intersection kaya hindi na nakapagpreno agad ang kanilang truck. 

“Green light na po yun biglang magrered light na po yun. Sakto pong madaming kotse sa unahan,” ani niya.

“Kami, parang hindi masyado nakapagpreno. Mabilis po kasi ang pangyayari e,” saad pa ng pahinante.

Samantala, ikinuwento ng isa sa mga driver ng SUV na nagulat na lang siya sa biglang pag-angat ng kaniyang sasakyan dahil sa impact.

“Naka-full stop kami non. Na-shock na lang kami biglang tumalsik yung Fortuner ko, nakabangga ako ng motor sa unahan tsaka sa kanan ko, motor din. Tapos noong pagbaba ko, nakita ko na apat na yung kinarambola. Ginawa kaming preno ng truck,” ayon kay Emilio Masangkay.

“Ako po ang pinakauna sa stoplight. Red light na po. Tapos ang sumunod sa akin ay L300. Pagkalabas ko, sunod-sunod na kami. Dikit-dikit kami. Na-shock ako. Natulala ako. Kasi alam ko nasa unahan ako nakapreno ako e," dagdag niya.

Hinala pa niya, maaaring nakatulog ang driver ng truck habang nagmamaneho.

“Feeling ko po nakatulog yun e kasi kung nakapagpreno yun, hindi naman aabot sa ganito,” aniya.

Sugatan sa insidente ang driver ng L300 at dalawang pasahero ng e-taxi, na agad dinala ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office sa ospital  para sa gamutan.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang truck driver na nasa kustodiya na ng MDTEU.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang inaalam pa ang kabuuang pinsala sa mga sasakyan.

Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.