
MAYNILA — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) nang tatlong buwan ang lisensya ng isang pickup truck driver na matapos kunan ng video at sabihang “sayang at ‘di pa namatay” ang sumemplang na rider sa EDSA sa Caloocan City, Linggo ng madaling araw, Setyembre 27.
Kinilala ang driver na si Ferdinand Winston Roxas na napadaan sa lugar kung saan sumemplang ang rider.
Sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Roxas na nadala lamang siya ng emosyon nang mangyari ang insidente.
“Sinabi kong sayang dahil naiinis ako eh. Dahil nasayang ‘yong oras ko sa kaniya.”
Nang tanungin kung bakit niya nasabi sa video na “sayang at di pa namatay,” sagot ni Roxas:
“Nasabi ko ‘yon dahil na-traffic ako ng sobra. ‘Yong mga motor kasi medyo pasaway sila sa daan. Kung responsable kang magmotor, maiiwasan mo ang aksidente.”
Wala rin umanong pinagsisisihan si Roxas sa kanyang ginawa.
“Wala. Okay naman siya, di naman siya namatay eh. Sana kung namatay siya. Sana magsilbing aral sa kanilang lahat,” dagdag ni Roxas.
Nakausap na rin umano ni Roxas ang rider na si John Owen Perez at inalok ng tulong.
Ayon kay Perez, hindi pa humihingi ng paumanhin sa kanya ang driver.
“Doon sa video na ‘yon, sobrang galit ko sa kanya kasi hindi naman niya dapat sabihin ‘yon. Sabi ko sa kanya, magvi-video na lang siya dapat hindi na siya nagre-react ng gano’n kasi hindi naman niya alam ang puno’t dulo kong bakit ako sumemplang,” saad ni Perez.
“Hindi man lang siya humingi ng pasensya pero gusto niya makipag-ayos,” dagdag ni Perez.
Ngayong Lunes, pinatawan ng LTO ng tatlong buwang suspensyon ang lisensya ni Roxas at inalarma rin ang kanyang sasakyan.
Ayon sa LTO, dalawang paglabag ang nakikita nilang ginawa ni Roxas— ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho at “improper person to operate a motor vehicle.”
Ayon LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao, hindi katanggap-tanggap ang inasal ni Roxas.
“‘Yong ginawa niya na ‘yon na sinabihan niyang dapat na mamatay ‘yong tao, hindi ‘yong katanggap-tanggap lalo na ikaw ay nagmamaneho… Simple lang naman, ‘yong pagva-vlog natin, maging responsable tayo. Huwag tayong gumawa ng mga bagay na alam nating magva-violate tayo. Maging mahinahon at magalang tayo,” saad ni Lacanilao.
Hihintayin ng LTO ang paliwanag ni Roxas hanggang Oktubre 2.
