MAYNILA — Inaresto ng pulisya ang isang 22-anyos na lalaki matapos umanong paulit-ulit na molestiyahin ang kaniyang 13-anyos na pamangkin sa Pandacan, Maynila.
Ayon sa ina ng biktima, sa bahay nila tumutuloy ang suspek na pinsang buo ng kaniyang asawa.
Noong Marso lamang umano niya nalaman ang sinapit ng kaniyang anak.
Batay sa salaysay ng biktima, Hulyo 2025 umano nang unang mangyari ang pangmomolestiya. Naulit umano ito noong Nobyembre at Disyembre 2025 at nitong Pebrero.
Kalaunan ay nagsumbong ang biktima sa kaniyang pinsan. "Habang kinukwento niya sa akin 'yon, nanginginig siya. Tapos inisa-isa niya 'yong mga ginawa sa kanya. Kung paano ginawa, 'yong araw kung saan," kuwento ng pinsan ng biktima.
Nitong Martes, Setyembre 28, inaresto ng mga operatiba ng Crime Investigation Section ng Manila Police District ang suspek sa Malate, Maynila, sa bisa ng warrant of arrest.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, kasabwat umano ng suspek ang kaniyang 18-anyos na kapatid sa pangmomolestiya sa biktima.
Hustisya ang apela ng ama ng biktima habang itinanggi naman ng suspek ang mga alegasyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong sexual assault at apat na counts ng acts of lasciviousness. Nakatakda ring magsampa ng reklamo ang mga magulang ng biktima laban sa kapatid ng suspek.

