← Back to Home

Mga driver na sangkot sa karerahan ng tricycle sa Marcos Highway tinutunton ng LTO

Tinutunton na ng Land Transportation Office (LTO) ang mga driver ng tricycle na tila nagkakarera sa Marcos Highway na sakop ng Marikina City nitong Linggo, Setyembre 27.

🕒 9/28/2026, 10:39:42 PM•379 words•EN
Christopher Sitson

Christopher Sitson

Christopher Sitson, a multiplatform reporter for ABS-CBN News, covers crime and general assignments. He began as a news writer and anchor for Radyo 630’s "Headline Ngayon." A cum laude graduate, he holds a Communication degree from FEU.

#karera#tricycle#marcos highway#marikina#lto#motorista

Tinutunton na ng Land Transportation Office (LTO) ang mga driver ng tricycle na tila nagkakarera sa Marcos Highway na sakop ng Marikina City nitong Linggo, Setyembre 27. Contributed

MAYNILA — Tinutunton na ng Land Transportation Office (LTO) ang mga driver ng tricycle na tila nagkakarera sa Marcos Highway na sakop ng Marikina City nitong Linggo, Setyembre 27.

Sa isang dash cam footage na viral sa social media, sapul ang pagharurot ng pitong tricycle nang umandar ang daloy ng trapiko mula sa isang stoplight pasado alas dos ng madaling araw.

Kapansin-pansin ang maiingay na tambutso ng mga tricycle habang ang isa ay muntik pang tumaob nang biglang mag-overtake sa tricycle sa unahan.

Ayon sa uploader ng dash cam, nasa dalawang minuto ang tila karerahan ng mga tricycle na tinahak ang daan patungong Quezon City.

“Marami pong umiwas sa kanila, mayroon ding mga two-wheeled vehicles na umiwas kasi driving recklessly sila, na parang sila lang yung motorista during that time. Kami naman we were trying to be defensive kasi pag naka-aksidente sila, yung inosente pang motorista ang magbabayad,” sabi ng uploader ng dash cam.

Walang mga body number at plate number ang mga tricycle. Ang isa naman ay butas pa ang likurang bahagi habang ang isa ay may nakapaskil pang “no mercy”.

Nakarating na sa LTO ang naturang dash cam footage at sa kanilang inisyal na pagsusuri, posibleng sangkot sa drag racing ang mga tricycle.

“Yang mga ‘yan ang purpose niyan ay magkakarera, drag racing, bakit ko nasabi? Kasi marami silang illegal modifications doon sa tricycle nila. Tinatanggal nila yung bubong, binabawasan nila yung mga upuan, so bawal na bawal yan,” ani Assistant Secretary Markus Lacanilao, hepe ng LTO.

Ipinag-utos na ng LTO ang pagtunton sa mga sangkot na driver.

“May matitinding kahaharapin yang mga yan. Agad kong sinabihan ang enforcement group natin para mahuli ang mga driver na yan. Magco-conduct kami ng operation, hindi lang dyan sa Marcos Highway, pati iba’t ibang mga sights kung saan nagkakarera yang mga yan,” sabi pa ni Lacanilao.

Mananagot sa batas-trapiko ang mga sangkot na driver na posibleng masuspinde ang lisensya at ma-impound pa ang kanilang mga tricycle.

“Hindi kami titigil. Makakaasa po kayo na ang LTO ay gagawin namin ang trabaho namin upang mahuli itong mga ito at mapanagot sila,” dagdag pa ni Lacanilao.


          

Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.