Kritikal ang lagay sa ospital ng 78-anyos na tsuper na si Elmer Cordero o mas kilala ng kanyang mga kasamahan bilang si “Tatay Elmer,” matapos atakihin sa puso habang nakikiisa sa kilos-protesta ng PISTON sa Caloocan, Martes ng umaga, Setyembre 29. Courtesy: PISTON
MAYNILA — Kritikal ang lagay sa ospital ng 78-anyos na tsuper na si Elmer Cordero o mas kilala ng kanyang mga kasamahan bilang si “Tatay Elmer,” matapos atakihin sa puso habang nakikiisa sa kilos-protesta ng PISTON sa Caloocan, Martes ng umaga, Setyembre 29.
Ayon kay Janette Gabatin, secretary ng PISTON-NCR, nakaramdam ng paninikip ng dibdib si Tatay Elmer habang nasa strike center sa Monumento.
“Sabi po ng mga kasamahan namin bigla na lang daw sumikip ang dibdib at nawalan na po siya ng malay. Hindi siya nagsabi na masama yung pakiramdam niya basta umupo na lang siya,” ani Gabatin.
Martes ng gabi ay wala pa ring malay si Tatay Elmer na naka-confine sa Caloocan City Medical Center South.
“Ang sabi po kasi ng nurse na tinanong ko, medyo mahina na po yung oxygen. Kinukumbinsi po yung asawa kung magpapatubo na po siya o hindi,” pagbabahagi ni Gabatin.
Nasa limang dekada nang nakikipagsapalaran sa kalsada si Tatay Elmer bilang tsuper.
Kasama siya sa anim na miyembro ng PISTON na inaresto noong 2020 sa kasagsagan ng COVID pandemic habang nasa kilos-protesta para sa balik-pasada.
Ngayong 2026, sa kabila ng kanyang edad at mahinang pangangatawan, pinili pa rin niyang pamunuan ang laban ng mga tsuper sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
“Masipag po si Tatay Elmer, nangunguna po sa lahat yan. Ayaw po niya ng nale-late siya. Siya po ang number one na active sa lahat,” sabi pa ni Gabatin.
“Humuhugot siya sa pinaglalaban. Isa lang po ang sinasabi niya, kailangan manalo ang pinaglalaban na kita ng mga tsuper. Masama po ang loob niya kasi mababa po ang kita,” dagdag pa niya.
Nakatutok ang PISTON sa lagay ni Tatay Elmer at tiniyak ang suporta sa abot ng kanilang makakaya.
Nanawagan din ang grupo sa mga nais magpaabot din ng tulong kay Tatay Elmer na makipag-ugnayan lamang sa kanila.
“Kailangan pa natin si Tatay Elmer sa mahabang pakikibaka. Pagtulungan natin na bumuti ang kanyang kalagayan,” ayon naman sa social media post ng PISTON.
Magpapatuloy ngayong Miyerkules, Setyembre 30, ang ikalawa at huling araw ng Nationwide Transport Strike ng PISTON kasama ang iba pang sektor.
KAUGNAY NA VIDEO
