Patay ang magkapatid na senior citizen matapos silang pagsasaksakin ng kanilang 32-anyos na pamangkin sa kanilang bahay sa Barangay Paruddun Norte, Aparri, Cagayan, pasado alas-4 ng hapon noong Lunes, Setyembre 28. Courtesy: Aparri Police Station via Cezar Galasi
APARRI, Cagayan — Patay ang magkapatid na senior citizen matapos silang pagsasaksakin ng kanilang 32-anyos na pamangkin sa kanilang bahay sa Barangay Paruddun Norte, Aparri, Cagayan, pasado alas-4 ng hapon noong Lunes, Setyembre 28.
Ayon kay Maj. Vilmore Mallillin, hepe ng Aparri Police Station, nasa loob ng kanilang bahay ang 75-anyos na lalaki at 85-anyos na babae nang pasukin sila ng suspek na armado ng itak.
Base sa imbestigasyon, nakita umano ng isang saksi ang suspek na sinasaksak ang babaeng biktima gamit ang itak.
Pagkatapos nito, pinasok naman ng suspek ang kuwarto ng lalaking biktima na nakahiga at pinagsasaksak din.
"Pagkatapos nang pananaksak, tumakbo iyong witness na bata at humingi ng tulong," ayon kay Mallillin.
Kaagad namang humingi ng tulong sa mga pulis ang mga residente matapos ang insidente.
Kusa namang sumuko sa mga pulis ang suspek kasama ang kanyang kapatid.
Batay sa imbestigasyon, nagalit umano ang suspek sa mga biktima matapos siyang pagbintangang nagnanakaw.
Inamin din umano ng suspek na lasing sya nang mangyari ang insidente.
Nasa kustodiya na ngayon ng Aparri Police Station ang suspek at nahaharap sa dalawang bilang ng kasong murder.