Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation ang isang babae na umano’y sangkot sa isang crayfish investment scam sa Silang, Cavite.
Kabilang umano sa mga nabiktima ang isang overseas Filipino worker (OFW) na umabot sa P1 milyon ang ipinuhunan.
Ayon kay NBI spokesperson Palmer Mallari, inaalok umano ng kumpanya ang publiko na mamuhunan sa crayfish aquafarming kapalit ng bahagi sa earnings at profits ng negosyo.
“Nagpapanggap sila na merong crayfish, aqua farming. Sabi nila ang kanilang negosyo ay propagation at farming ng imported na mga Australian crayfish. At ang sino man na gustong mag-invest, ibibigay ang kanilang investment at sila ay magpaparticipate sa earnings and profits ng kumpanya,” ani Mallari.
17 arrested in twin anti-scam ops in Parañaque
Dalawang complainant umano ang lumapit sa NBI, kabilang ang OFW.
Ayon sa mga biktima, isinama pa umano sila sa crayfish farm ng kumpanya sa Silang, Cavite kaya naniwala silang lehitimo ang negosyo.
Nasa P100,000 umano ang minimum investment, ngunit umabot sa P1 milyon ang ipinuhunan ng OFW habang P500,000 naman ang inilagak ng isa pang complainant.
Ipinangako umano sa mga investor na 70 percent ng kanilang investment ang babalik makalipas ang isang taon, bukod pa sa patuloy na kita mula sa pagbebenta ng crayfish.
Ngunit matapos ang halos dalawang taon, wala pa rin umano silang natatanggap na kita. Paliwanag umano ng kumpanya, hindi pa rin nanganganak o nagpaparami ang mga crayfish.
Dahil dito, nagsumbong ang mga complainant sa NBI. Sa imbestigasyon ng ahensya, lumabas umano na barangay business permit lamang ang hawak ng kumpanya at wala itong secondary license mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) at kaukulang permit mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Giit ni Mallari, “Wala silang secondary license from the SEC. At wala silang license or permit from the BFAR.” Sinabi rin niya na inaalam na ng NBI kung sino ang mga may-ari ng kumpanya para maisama sa mga susunod na pagsasampa ng kaso. “Gumagawa na po tayo ng paraan para malaman kung sino ang owners ng naturang kumpanya para po sa ating mga susunod na pagpa-file ng kaso, kasama na po sila,” ani Mallari.
Naaresto ang suspek matapos ang entrapment operation kung saan nagpanggap na investor ang NBI agent.
Nagkita sila para sa pagpirma ng investment contract at nang mag-abutan na ng tseke, doon na isinagawa ang pag-aresto.
MMDA, NBI caution public vs NCAP text scam
Itinanggi naman ng suspek, na kinilala lamang sa alyas na “Marion,” na alam niyang may problema sa mga dokumento ng kumpanya. Aniya, empleyado lamang siya. “Ang alam ko po nag-apply sila ng BFAR registration, but as of now, wala pa daw pong lumalabas na certification,” ani Marion. Dagdag pa niya, “I’m just an employee po kasi, so hindi ko din po alam na may mga ganitong issue.”
Inihahanda ng NBI ang pagsasampa ng kaso para sa estafa at paglabag sa Fisheries Code at Meat Inspection Code, na may kaugnayan umano sa Cybercrime Prevention Act. Sinubukan ding kunin ang panig ng kumpanya ngunit hindi ito sumagot sa tawag.
Paalala ng NBI sa publiko, bago maglabas ng pera para sa investment, tiyaking lehitimo at kumpleto sa kinakailangang lisensya ang isang kumpanya sa pamamagitan ng pag-verify sa SEC, at alamin din sa BFAR kung may kaukulang permit ang negosyong may kinalaman sa fisheries o aquaculture.

