← Back to Home

Agree to Disagree | Pages: Short Story | Fiction

Pages: Two academic rivals competing for valedictorian are forced to confront their pride, rivalry, and deeper feelings when one suddenly has to leave university before graduation.

🕒 5/22/2026, 4:00:00 AM•1362 words•EN

. .

#Agree to Disagree#Pages#Pages Short Story#Pages Fiction

Agree to Disagree | Pages: Short Story | FictionAgree to Disagree | Pages: Short Story | Fiction 


“Mr. Chair,” Matalim ang titig ni Naomi sa kaharap. “Tingin ko, sinasadya ni Representative Helen na hindi makinig. Seems like our propositions are falling on deaf ears.”

Lumingon si Helen mula sa pakikipag-usap sa katabi. “Totoo ba ‘to, Representative Helen?” paniniguro ng chairman.

Nagpigil ng ngiti si Helen at tumitig pabalik kay Naomi. “Sa katunayan niyan Mr. Chair, hinihimay lang naman namin ng co-rep ko ang arguments ni Representative Naomi. Which, speaking of, was very inconsiderate of the points na nilatag namin kani-kanina lang.”

“Excuse me?!” Napaawang ang bibig ni Naomi.

Kapwa nasa rurok ng tagumpay sina Helen at Naomi nang simulan nila ang ikahuling taon nila sa San Marcelino University (SMU) bilang mga Psychology students. Mula nang lumipat si Helen galing sa karatig na paaralan, hindi na nila tinantanan ang isa’t isa.

Bago kasi mag-transfer si Helen ay nangunguna si Naomi sa pagka-valedictorian. Dito nag-ugat ang tensiyon sa pagitan ng dalawang babae, at maging sa labas ng silid-aralan ay pareho silang nag-uungusan.

Hawak ni Naomi ang posisyon ng bise presidente sa Debate and Oratory Society (DebSoc). Siya ang punong kinatawan ng organisasyon sa SMU Congress na idinaraos taon-taon. Samantala, isang semestre lang ang itinagal ni Helen bago siya pinili bilang direktor ng departamentong legal and legislative sa SMU Kaleidoscope — kilalang grupo na advocate ng mga LGBTQIA+ na estudyante sa loob ng campus.

Ngunit, sa kabila ng mga pagkakatulad ng dalawa, tanging ang makapagtapos bilang valedictorian ng kanilang kurso lang ang pinagkasunduan nila.

“If anything,” pagpapatuloy ni Helen, nakataas ang isang kilay. “Ikaw ‘yung ayaw makinig sa’min since the beginning of this session. You’ve been very dismissive of our ideas, Representative Naomi.”

“That is a serious accusation, Representative Helen,” mahina ang boses ni Naomi, ngunit may diin ang kaniyang bawat bigkas. “Sana may sapat na ebidensiya ka to prove it.”

Sumingit ang isang miyembro ng parliyamento, “Point of order!”

“Well taken,” tugon ng chairman, sabay baling ng atensiyon niya kina Helen at Naomi. “Alam kong SMU Congress lang ‘to, pero nakikiusap ako sa inyo, please behave professionally.”



Nagwakas din ang unang session kalaunan. Nakahanap ng pagkakataon si Naomi na kausapin si Helen tungkol sa naging palitan nila ng salita.

Hinigit niya ang palapulsuhan ng Kaleidoscope representative at dinala ito sa isang tabi. Hindi nila alintana ang tinginan ng mga kapwa nila mag-aaral. Nakakabingi ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa habang hinihintay na maubos ang tao sa loob ng klasrum.

Boses ni Helen ang unang bumasag sa katahimikan, pilit ang kaniyang ngiti, “Apology accepted! Okay na, bitawan mo na ako. May thesis consultation pa ang grupo namin.”

Natulala panandalian si Naomi, ngayon lang niya napansin ang tangkad niya kumpara kay Helen. Kapantay lamang ng labi ng DebSoc representative ang noo ng dalaga, sakto para sa—

“Ay! I mean, huh?!” Natatarantang sigaw ni Naomi na siyang ikinanoot ng noo ni Helen. “Hindi kita kinausap para mag-sorry. Ang akin lang, kung may galit ka sa’kin, keep it to yourself. Hindi ‘yung nadadamay pa ang buong congress.”

Natawa si Helen, hindi makapaniwala sa narinig, “Ako? May galit sa’yo? Kanino mo naman nakuha ‘yan? Tsaka FYI lang ah, ikaw ang nag-umpisa ng alitan natin kanina. Kaya sa ating dalawa, tingin ko ikaw ang may galit sa’kin.”



Naiwang tameme si Naomi matapos mag-walkout ni Helen patungong kabilang building. Subalit, hindi rin nagtagal bago magtagpo mula ang kanilang landas. Sa dinami-rami ba naman ng magiging thesis adviser sa faculty ng Psychology department ay parehong si Dr. Salazar ang natipuhan ng kani-kanilang grupo.

“Matagal pa ba sina Helen? Kinain na ng grupo nila ‘yung oras natin eh. Baka ipa-resched tayo ni Dr. Salazar,” nag-aalalang tanong ng kagrupo ni Naomi.

Maski siya mismo ay tahimik na nagtitimpi. Kung sakali, isang linggo na naman ang hihintayin ng grupo nina Naomi para makausap lang ang kanilang thesis adviser. Bagama’t magaling ang propesor sa paggabay sa kaniyang mga tinuturuan, kilala ito bilang strikto sa oras ng kaniyang trabaho. Ayaw nito na iniistorbo tuwing weekends, lalo na kung hindi naka-schedule ang iyong pakay.

Kaya naman gumuho ang mundo ni Naomi matapos magligpit ng gamit si Dr. Salazar habang nagpapaalam sa grupo nina Helen. Bakas sa mukha ng dalaga ang inis at pagod sa pagkasayang ng oras niya sa paghihintay.

“Ms. Naomi and group,” panimula ng guro, “I’m sorry I can no longer entertain you today. Mukhang makahihintay naman hanggang Monday ang mga concerns n’yo.”

Hindi na nag-atubili pa ang propesor at tuluyang nilisan ang klasrum kung saan naiwan ang magkahiwalay na grupo ni Helen at Naomi. Tahimik lang ang silid-aralan, subalit ramdam ng bawat isa ang tahimik na pag-alboroto ng galit ni Naomi.

Kinabukasan ng Sabado, hindi pa rin humuhupa ang irita sa puso ni Naomi. Napagpasiyahan niya munang magpalamig ng ulo sa isang mall sa kanilang lungsod at mag-ikot ikot kasama ang isa sa kanilang kasambahay habang kinakalma ang sarili.

Ngunit, gaya ng alam ng karamihan, matindi magbiro ang tadhana.



Sa kalagitnaan ng pamamasyal ng dalaga ay aksidente niyang nabunggo ang balikat ng isang babae na mas maliit kaysa sa kaniya. Tumilapon ang pinamili ni Naomi sa lakas ng kanilang pagsalpukan. Laking gulat niya nang mamukhaan ang babae. Ito ay walang iba kundi si Helen, ang dahilan ng kaniyang pagkabuwisit.

“Helen, anong ginagawa mo rito?” Napatingin siya sa kasama nitong mga bata, na tila kapatid niya base sa pagkakahawig ng mga mukha nila.

Kabaliktaran naman ang naging reaksiyon ni Helen. Hindi niya inasahan na sa lahat ng lugar, dito niya makikita muli ang nakaalitan na representative. Pilit niyang iniwasan ang mata ni Naomi, at dali-daling hinigit ang mga kapatid paalis.

“Ay, ma’am. Kakilala mo pala ‘yun?” may kahulugang tanong ng kasambahay ni Naomi.

“Kaklase ko po. Kilala n’yo rin po ba siya?”

“Ah, balita kasi ng nanay niya sa’kin, sinabihan niya raw ‘yung anak niyang ‘yun na tumigil muna sa pag-aaral. Hirap na raw kasi sila na pag-aralin siya. Kaya ayun, kaya siguro mukhang nahihiya siya kanina nung nagkasalubong kayo.”



Isang linggo na ang nakalipas, unti-unti nang napawi ang poot sa dibdib ni Naomi. Bagkus, ang kapalit nito ay ang kakaibang lungkot na namuo sa kaniyang puso. Hindi niya maalis sa isipan ang naikwento ng kanilang kasambahay sa mall. Isang linggo na rin ang dumaan nang magsimulang lumiban si Helen sa klase.

Wala siya sa sumunod na session ng SMU Congress maging sa thesis consultation kasama si Dr. Salazar. Hindi man inamin ni Naomi sa sarili ngunit lubos niya itong ikinabahala.



“Akala ko hindi na kita makikita muli,” sambit ni Naomi matapos niyang matiyempuhan si Helen. Naka-uniporme ng isang fast food restaurant ang dalaga habang kumakain ito pagkatapos ng kaniyang shift.

“Congrats!” bati ni Helen kahit nangingilid ang luha.

“Para saan?”

“Well,” lumunok siya bago sagutin si Naomi. “Solo mo na ang valedictorian. Mahihirapan na ako makahabol dahil sa isang linggong absent ko.”

“Pero, babalik ka pa naman ‘di ba?” pag-uusisa ni Naomi. “Mag-aaral ka pa rin sa SMU?”

“Oo naman,” pagkumpirma ni Helen. “Ako lang inaasahan ng pamilya namin ‘no…”

May dinukot na kwaderno si Naomi sa kaniyang bag, at sa harap nito ay may nakasulat na “Helen”.

“Oh, nag-notes nga pala ako para sa’yo,” sabay abot niya ng kwaderno kay Helen. “Kumpleto ‘yan kada subject, kasama na rin d’yan ‘yung nakaraang session ng SMU congress. Hiningi ko na rin pala ‘yung notes ng kagrupo mo para sa thesis consultation n’yo.”



Tuluyan nang bumagsak paisa-isa ang luha ni Helen. Malaki ang pasasalamat niya sa kabutihan na ipinakita ng kaniyang naging karibal sa pagka-valedictorian.

Hinila niya sa isang yakap si Naomi, “Thank you! Pasensiya na kung naging malayo ang loob ko sa’yo. Sana mapatawad mo ako.”

“Sus, ano ka ba? Wala lang ‘yun. Tsaka, na-miss din kita…”

“Promise babawi ako sa’yo. Gusto mo ba ng libreng pagkain? Kahit ano.”

“Hmm, free ka ba bukas? Date— este, kain tayo sa labas,” may halong biro na suhestiyon ni Naomi bago kumindat.



Pinunasan ni Helen ang kaniyang luha at ngumiti nang malawak, “Sure! Payag akong mag-date, este kumain tayo bukas.”

Sabay silang tumawa at mas humigpit ang yakap sa isa’t isa.



* Images enhanced using AI filters

* All characters and events in this work are fictional. Any similarity to real persons, living or dead, or actual entities is unintentional and coincidental.

Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.