Hanggang saan ba nagkakaroon ng karapatan para sa minamahal? Hindi ba sapat na mahal mo ang isang tao, at kaya mong ialay sa kanya ang buhay mo? Dapat ba lagi kayong nakatali sa expectations ng mga tao sa paligid, at ginagabayan ng mga dokumento? Paano kung ang pagasasama n’yo ay lampas sa mga boundary na ang mga tao lang ang gumawa.
It’s so unfair!
Ito pa rin ang tumatakbo sa isip ko habang nasa sasakyan ako. Hindi ko na maalala kung paano ako nakapagbihis at nakapag-book ng ride. Rush hour pa noon kaya nakailang cancel ng booking bago may pumayag na driver.
“Sa PGH tayo, sir.” Bahagyang sumimangot ang driver dahil traffic nga naman ang lahat ng daan sa Taft Avenue, at siguro sa isip niya, malulugi siya sa oras. Pero kita niya rin siguro sa mukha ko ang pag-aalala at bahagyang pamumugto ng mata, kaya tumango na lamang.

Kakauwi ko lang sa bahay nang mag-ring ang telepono mula sa isang number na hindi ko kilala. Babae. Akala ko, scam call kaya wala sana akong balak sagutin. Pero nakatatlong tawag na siya. Naiinis pa nga nang mag-hello.
“Hello? Relative po ba kayo ni Adrian Reyes?” Hindi ko alam kung paano ko ia-identify ang relationship ko kay Adrian. Magkaibigan ba kami? Hindi. Magka mag-anak? Lalong hindi. Pero pangalan ko kasi ang nasa card sa wallet niya na in case of emergency, ako ang tawagan.
“Nasa emergency room po siya sa Philippine General Hospital. Bilisan n’yo po.”
Ang lakas ng kaba ng dibdib ko, parang sasabog. The last time I felt this way ay noong na-stroke ang Tatay ko. Iniwan ko ang kalagitnaan ng entrance test para habulin siya sa ospital. Kaya bumagsak ako sa entrance test na ‘yun. Pero wala rin. Pagdating ko, may takip nang puting kumot si Daddy. Hindi ko kaya ang ganoong eksena. Dalawang taon ako hindi nakatulog dahil paulit-ulit sa isip ko ‘yung image na ‘yun. Kaya sana huwag maulit ngayon. Adrian, please be ok…
Pagdating ko sa ER, agad akong nagpakilala sa reception, at bago pa siya nakasagot, pumasok na ako sa emergency ward at iniisa-isa ang mga kamang may harang na kurtina.
“Adrian…? Adrian..?”
“Si Adrian Reyes po?” habol ng nurse na may dalang chart. “Kayo po ‘yung kausap ko? ‘Yung relative niya?”
“Partner niya.” Mahina ang pagkakasabi ko. Nahihiya ba ako o nag-iingat.

Natigilan ang nurse. For a while, parang nag-isip kung paano niya ako haharapin na hindi ako masasaktan. “Pasensya na po, sir. Immediate family lang po ang allowed, according to hospital policies.”
Gusto kong sumabog. Kayo ang tumawag sa akin, ngayon hindi ako puedeng pumasok. Pero nagtimpi ako. “Partner niya ako for ten years. Ako ang emergency contact niya. Siya rin ang emergency contact ko.”
“Sorry sir, may protocol po kami.”
Ayaw kong gumawa ng eksena. Wala na lugar na doon pa ako makipagdebate tungkol sa same gender rights issues. Sa America, may karapatan ang partner na magdesisyon. Napaka-third world pa natin para tanggapin na iba’t iba ang set-up ng relationship.
“Pero kumusta siya?”
“Hindi pa po nagkakamalay. Hinihintay po ang next of kin para makuha ang consent sa kung ano ang suggestion ng attending doctor.”
“Putsa, it is about money? Deposito ba ang kailangan? Ako ang magdedeposito.” Mataas na ang boses ko.
“Sorry talaga sir. Maliban dyan ay wala na akong information na puedeng sabihin.” Nanginginig ako na naupo sa bench. Kung may mangyari sa kanya, pananagutan ba nila dahil sa dinelay nilang desisyon?
Maya-maya pa nakita kong pumasok ang mga magulang ni Adrian. Sila Mr. and Mrs. Reyes. Kilala ko sila sa pictures pero sa loob ng ten years na nagkasama kami ni Adrian ay minsan ko lang sila nakilala. Informally pa, noong bago pa lang. Hindi na nasundan. Ayaw ni Adrian kasi devout Catholic daw ang pamilya niya at ayaw na lang niya ng diskusyon. Kaya kung iisipin mo, hindi na nila ako matatandaan.

Lumapit ako para magpakita ng paggalang, at umasang isama nila ako kung nasaan si Adrian. “Tita…ako po si Marco” hindi ko malunok ang laway ko sa dulo ng sentence. Para akong may kasalanan. Hindi sumagot si Mrs. Reyes, Matalim lang ang tingin sa akin.
“Sir…magandang hapon po…” kukunin ko sana ang kamay nila para magmano. Pero tinabig nila ang pag-abot ko. “Ano’ng ginagawa mo dito?”
“Si Adrian, kailangan ko siyang makita.”
“Seryosong bagay ito para sa pamilya lang. Hindi ka kasali.”
Parang may humampas sa dibdib ko. Sampung taon. Sampung taon ng Pasko na kami magkasama, pero hindi pa rin ako kasali sa buhay niya. Hindi ko napigilan ang sarili ko “Ako ang kasama niya araw-araw. Ako ang nag-aalaga sa kanya kapag nagkakasakit siya at ayaw niyang ipaalam sa inyo. Ako ang kasama sa lahat ng problema niya, sa lahat ng battles niya. Ni hindi n’yo alam kung ano ang pinagdaanan niya sa araw araw pero ako ang naroon. Tapos ngayon hindi ako kasali?”
“Wala kang karapatan.”
“Meron. Dahil mahal ko siya at mahal niya ako.”
“Huh? ‘Yan ang tingin mo. ‘Wag mo nang ipilit dahil kapag nagpatawag ako ng barangay ay mapapahiya ka lang. Wala kang legal na karapatan,” madiin ang pagkakasabi ng nanay ni Adrian.
Isang simpleng salita lang iyon—legal—pero parang kutsilyo.
Lumapit ang doktor. “Family of Adrian Reyes?” Agad lumapit ang mag-asawa. Naiwan ako sa gilid. Talunan…
“Doctor, Tita…please, kahit makita ko lang siya.” Handa kong lunukin ang natitira ko pang dignidad. Kaya kong magpaapi pero ‘wag lang ipagkait ang bagay na isinumpa kong paninindigan, at ‘yun ay ang alagaan si Adrian.
Nag-alangan ang doktor. “I’m sorry, sir. We need consent from next of kin.” Doon ko naramdaman ang pinakamasakit na uri ng pagkawala: buhay pa ang taong mahal mo, pero pinagkakaitan ka nang maging bahagi ng buhay niya.
Bumalik ako sa malamig na bench sa hallway. Tulala. Talunan. Nasa bulsa ko pa ang duplicate key ng condo namin. Uuwi pa ba siya sa akin? Nasa wallet ko ang lumang photo booth pictures namin. Nasa phone ko ang libo-libong mensahe ng ordinaryong pagmamahal:

Buy ka eggs pauwi.
Don’t skip lunch.
Miss na kita.
Drive safe.
Mga ebidensyang walang bisa sa korte ng tao dahil nakakulong sa framework ng mga makalumang batas. Batas na hindi umiintindi sa pagmamahal. Batas na isip lang ang pinaandar para mabuo at kinalimutan ang puso. Batas na iilan lang ang gumawa at para sa kanilang sariling kapakanan dahil hindi nila kami nakikita. Invisible kami sa mga ng gumawa ng mga batas.
Lumipas ang isang oras. Dalawa. Tatlo. Hindi ko na mabilang dahil lumilipad na lang ang utak ko. Walang konkretong bagay na madapuan.
Paminsan-minsan bumubukas ang pinto ng ER, at bawat bukas-sara ay umaasa akong susunduin ako. O kaya baka si Adrian na ang lalabas at uuwi na kami ng mahal ko. At kapag nakita niya ang namumula kong mata ay sasabihin kong wala, napuwing lang ako. No worries. Hindi ko ikukuwento sa kanya ang pagkamatay ng puso at pag-asa ko sa araw na ito na hawak ng mga magulang niya na hindi kami maintindihan. Wala akong sasabihin. Para makauwi lang kami, peacefully. Walang gulo. Magtago kung kailangan. I-deny ang pagmamahalan dahil hindi pa ready ang mundo at ang mga batas para sa amin.
“Walang problema, Adrian…Uuwi na tayo… ‘Wag mo akong alalahanin” At ngingitian niya ako. Sana iyon na ang susunod na eksena.

Hanggang sa may lumapit na nurse. “Sir Marco?”
“Ako po ‘yun.”
“Hinahanap po kayo ng patient.” Totoo ba ito? O gusto lang ako pag-tripan ng nurse dahil pinagkaisahan nila kami. “Ako?” Tumango ang nurse. “Nagising na po siya. At hinahanap kayo…’”
Sumunod na lumabas si Mr. Reyes. “Pumapasok ka raw..” mas malumanay na ngayon. Nagmamadali akong binitbit ang bag ko. Naghanda kasi ako ng mga kailangan kung sakaling ako ang magbabantay.

Hinawakan ni Mr. Reyes ang braso ko. “Ikaw ang una niyang hinanap. Hindi siya naniwalang wala ka rito… Hindi na kami sapat. Hindi na siya bata. Alam na niya kung ano ang totoo sa buhay niya…”
“Sir…” nangingilid na ang luha ko.
“At pagod na rin akong magpanggap na hindi ko nakikita kung sino siya, kung ano ang totoong siya. Lumalayo lang siya amin dahil napapagod siyang magkunwari kapag kasama kami. Mahal na mahal namin si Adrian…At kailangan namin makita siyang maligaya…” mahinahon ngunit malalim.

Sumunod na lumabas si Mrs. Reyes. Nagpapahid pa rin ng luha. Yayakapin siya ng asawa. Hindi ko inaasahan pero inabot ako ni Mr. Reyes at isinama sa yakap. Alam ko hindi pa ayos ang lahat. Darating panahon, pag-uusapan naming uli kung ano ang tama at mali. Pero alam ko na usapan na iyon, kasali na ako.

Pagpasok namin sa kwarto, halos hindi ko makilala si Adrian. May pasa sa mukha, may gasgas sa braso, maputla, naka-dextrose pero buhay. At nakangiti kahit basag ang labi. “Ang tagal mo naman,” mahina nitong biro. Pinilit kong tumawa habang umiiyak. “Traffic.” Hinawakan ni Adrian ang kamay ko. Mahigpit na pagkakapisil. Sapat na para mabuo uli ang pagkatao na nagkabasag-basag kanina lang.
Lumapit ang doktor. “Mr. Reyes, we need someone to discuss your treatment plan.” Hindi nagdalawang-isip si Adrian. “Talk to him,” sabi niya, sabay pisil sa kamay ni Marco. “He’s my family.” Sabay na inabot ang kamay ni Mrs. Reyes “Ma, please help him decide.” Tahimik ang buong kwarto. Yakap ang iginanti ng ina. “Oo anak… pag-uusapan namin…”
Sa unang pagkakataon sa loob ng sampung taon, ngayon ko lang naramdaman that I exist. At walang umangal. Walang tumutol. Walang batas at karapatan na dapat sundin mula sa libro.
“Matulog ka muna…Pag-uusapan namin ni Tita…
“Ni Mama…”

Tumango lang ako. Hindi ko pa kayang bigkasin ang Mama. Nahihiya pa ako. Baka matawag na presko. Lumapit nang kaunti si “Mama” habang hinahawi namin ang kurtina sa emergency ward.
“Hindi ko maintindihan ang buhay na pinili niya,” sabi nito, mahina. “Pero nakita ko kung sino ang una niyang hinanap. Alagaan mo ang anak ko, ha.” Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ko. “Opo,” sagot niya. “Matagal ko nang ginagawa…Ma.”
Sa dulo, ang pagmamahal ang mananaig. Matatalo kami sa usapin ng batas at karapatan, pero habang tapat kaming nagmamahal, panalo kami at sapat na iyon.
* Images were generated using AI.
* All characters and events in this work are fictional. Any similarity to real persons, living or dead, or actual entities is unintentional and coincidental.