Dinig ni Grace ilang hakbang mula sa loob ng kaniyang rented cabin ang pamilyar na tunog ng violin cover na in-upload niya sa YouTube kamakailan lamang. Nagtataka man, ipinagkibit balikat na lang ito ng singkit na dalaga, nagbabaka sakaling nakilala lamang siya ng may-ari ng lugar.
Ngayong araw sana ang ikatlong anibersayo nila ng kaniyang ex. Sabay silang nangarap na bumisita sa isang payapang isla at lumangoy sa asul na dagat nito. Ngunit sa pagkakataong ito, si Grace na lang mag-isa ang tutuloy bilang huling alaala ng pagmamahal niya para sa dating kasintahan. At bilang unang hakbang niya rin sa pagkalimot sa dalaga. Kung magtagpo man ang landas nila muli sa isla ay handa si Grace na harapin ang dating nobya. Ito ang matagal na niyang kumbinsi sa sarili habang papalapit nang papalapit ang araw ng kanilang anniversary trip.







Nanatili siya roon hanggang sumapit ang alas dose ng hatinggabi. Nakita niya ang kaawa-awang repleksyon ng sarili sa naipon na tubig ulan sa kaniyang tabi. Napagtanto niya sa mismong oras na iyon na walang patutunguhan ang buhay niya kung pipiliin niyang mamuhay sa nakaraan. Kaya kahit labag sa kaniyang kalooban ay umuwi na siya nang may kakaibang bigat sa dibdib.
Sa kabutihang palad ay wala siyang pasok sa trabaho kinabukasan, hindi na niya kailangang umisip pa ng rason kung bakit mas sumingkit ang mugto niyang mga mata.








Nagkayayaan ang dalawa na lumangoy sa dagat pagkatapos mananghalian sa Main House kasabay ni Ate Carla. Naglatag sila ng tuwalya sa ilalim ng isang puno. Pinili ni Grace na magpaiwan muna, inaalala ang tirik ng araw. Bukod sa kanilang dalawa, isang pamilya ang kahati nila sa dagat. Ngunit kung sumigaw si Diana kay Grace ay parang silang dalawa lang ang nasa isla.
“Sumunod ka na rito, Grace,” paanyaya ng pintor na dalaga. “Malamig ‘yung tubig!”
Nag-aalangan man, lumusong din ang musikerang babae sa tubig at nagtampisaw maghapon kasama ang dating kasintahan. Naisipan din nilang umahon kalaunan. Magkatabi silang naupo sa lilim ng matangkad na puno, kapwa pinapakinggan ang kalmadong pag-indak ng dagat. 








*Images enhanced using AI filters.
* All characters and events in this work are fictional. Any similarity to real persons, living or dead, or actual entities is unintentional and coincidental.