Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang isang lalaking nasapul sa CCTV matapos sumalisi at magnakaw sa isang vape shop sa Barangay Obrero, Quezon City, nitong Lunes, Oktubre 5.
Natangay ng suspek ang isang cellphone na nagkakahalaga ng P22,000 mula sa babaeng attendant ng shop. Panandaliang naiwang walang bantay ang tindahan nang maghugas ng kamay ang biktima sa katabing gripo pagkatapos kumain.
Sa video, makikitang biglang sumulpot ang lalaki sa bintana ng shop, nagmanman sa paligid, at mabilis na tinangay ang cellphone bago tumakas. Bago ang insidente, nakunan din sa CCTV ng katapat na kainan ang suspek habang nanghihingi umano ng abuloy para sa patay.
Nanghihinayang ang biktima dahil isang buwan pa lamang sa kaniya ang itinuturing niyang "dream phone" na hindi pa tapos hulugan. Sa barangay hall na rin ginugol ng biktima ang kaniyang ika-21 kaarawan matapos samahan ng ABS-CBN News upang magpa-blotter
“Sobrang laking perwisyo po kasi kung nangangailangan po kayo sana nanghingi na lang kayo, hindi yung nanguha kayo. Kung talaga pong taos-puso siyang nanghihingi ng abuloy, sana hindi niya pinag-interesan yung bagay na hindi po sa kanya,” pahayag ng biktima.
Ayon sa desk officer ng barangay na si Giovanni Miraflor, hindi pamilyar sa kanila ang mukha ng suspek at posibleng dayo lamang ito sa lugar. Pinag-iingat din niya ang mga residente at negosyante sa mga ganitong uri ng modus.“Hindi magtrabaho nang patas... 'wag sila kampante sa mga taong umiikot-ikot ngayon, mga salisi, scammer, lalo ngayong parating ang pasko,” ani Miraflor.
“Lesson learned po sa akin, 'wag na 'wag mag-iiwan ng gamit at 'wag magtitiwala sa isang lugar kahit na po may CCTV,” dagdag ng biktima.
Nakikipag-ugnayan na ang barangay sa pulisya para matukoy at mahuli ang suspek.

