← Back to Home
Dahil sa gutom: 'Volunteer sa simbahan' nagnakaw ng bakal sa Tondo

Dahil sa gutom: 'Volunteer sa simbahan' nagnakaw ng bakal sa Tondo

Arestado ang isang 33-anyos na lalaki na nagpakilalang volunteer o katiwala sa isang simbahan matapos magnakaw ng 15-kilong bakal sa isang parking lot sa C. Playa Street, Barangay 133, Balut, Tondo, Maynila noong Biyernes ng hapon, Oktubre 2.

🕒 10/5/2026, 11:52:01 PM•326 words•EN
Eon Sanchez

Eon Sanchez

Eon Sanchez is a reporter for ABS-CBN News covering the Metro beat. He earned his Broadcasting degree from the Polytechnic University of the Philippines, magna cum laude. Before joining the newsroom, he served as Editor-in-Chief of The Communicator, the official student publication of PUP College of Communication.

#crime#theft#tondo#manila

Arestado ang isang 33-anyos na lalaki na nagpakilalang volunteer o katiwala sa isang simbahan matapos magnakaw ng 15-kilong bakal sa isang parking lot sa C. Playa Street, Barangay 133, Balut, Tondo, Maynila noong Biyernes ng hapon, Oktubre 2.

Bagama't inamin ng suspek na dati na siyang sangkot sa pagnanakaw, iginiit nitong tumigil na siya nang maglingkod sa simbahan at nagawa lamang muli ang krimen dahil sa labis na gutom.

“Kaya nilako ko po yun kasi wala po akong pangkain... Isang araw po akong walang kain kaya nagawa ko po 'yun,” paliwanag ng suspek.

“Simula po noong napasok po ako sa simbahan, tinigilan ko na po 'yun. Iniwasan ko na po 'yun,” dagdag nito.

Batay sa imbestigasyon ng Smokey Mountain Police Community Precinct (PCP) ng Raxabago Police Station 1 ng Manila Police District, ninakaw ng suspek ang isang cross member o bakal na bahagi ng chassis ng truck. Ibebenta umano sana nito ang bakal na nagkakahalaga ng P3,000 sa isang junkshop.

Nahagip sa CCTV ang suspek habang bitbit ang sako na naglalaman ng bakal, kung saan pansamantala pa itong huminto sa kanto para magpahinga dahil sa bigat. 

Dito na siya inabutan at ginulpi ng biktima at sumaklolong residente.

“Nagsisigaw ng magnanakaw upang maalerto 'yung mga tao doon... medyo nasaktan itong suspek ng mga taong bayan at dito, sakto naman dumating ang ating kapulisan upang rumesponde at nahinto itong pananakit sa ating suspek,” ani Smokey Mountain PCP Commander PCPT Ryan Jay Balagtas.

Naibalik na sa biktima ang ninakaw na parte ng sasakyan. Napag-alaman na hindi ito ang unang pagkakataon na ninakawan ng suspek ang biktima.

“Paulit-ulit ito kaya napuno itong complainant sa pagnanakaw dahil lagi na lang siya pinagbibigyan dala ng awa. So this time, hindi na pinatawad at tinuluyan na ng ating complainant,” dagdag ng opisyal.

“Humihingi na lang po ako ng tawad sa kanila. Patawarin po nila ako,” pagsusumamo ng suspek na dinala muna sa pagamutan para sa medical check-up bago ikinulong dahil sa kasong theft.

Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.