Sa social media post, ibinahagi ni Dominguez ang dashcam footage kung saan makikitang binabaybay niya ang isang daan sa Antipolo City, Rizal habang kasama ang dalawang batang pamangkin nang bigla na lang may kumalabog sa likurang bahagi ng kaniyang sasakyan. Courtesy: Cianne Dominguez/Facebook via Christopher Sitson
MAYNILA — Nasangkot sa hit-and-run incident ang "It’s Showtime" host at singer na si Cianne Dominguez matapos mabangga ng motorsiklo ang minamaneho niyang sasakyan nitong Lunes ng hapon, Oktubre 5.
Sa social media post, ibinahagi ni Dominguez ang dashcam footage kung saan makikitang binabaybay niya ang isang daan sa Antipolo City, Rizal habang kasama ang dalawang batang pamangkin nang bigla na lang may kumalabog sa likurang bahagi ng kaniyang sasakyan.
Imbes na huminto ang bumanggang motorsiklo na may angkas, nagdire-diretso lamang ito.
Ligtas ang host-singer at kaniyang mga pamangkin pero nagtamo ng pinsala sa likurang bahagi ang kaniyang sasakyan.
“You better message me privately bago kita ipa-track down beh. Natatandaan ko mga mukha niyo,” mensahe ni Dominguez sa rider at angkas nito.
Nakarating na sa kaalaman ng Land Transportation Office (LTO) ang insidente at hinikayat si Dominguez na magtungo sa opisina ng ahensya para pormal na maghain ng reklamo.
“I-a-alarm namin yan. Pag na-alarm namin ‘yan pwede yang ma-impound. Pwedeng ma-revoke ang license niyan. Mapapanagot natin, mabigat ang kaparusahan niyan,” ani LTO chief Markus Lacanilao.
Wala pang blotter report ang insidente sa Antipolo City Police.
Paalala ni Lacanilao sa lahat ng motorista, agad na mag-report sa pulisya kung saan nangyari ang insidente.
Samantala, tukoy na ng LTO ang registered owner ng motorsiklong nakabangga sa sasakyan ni Dominguez na taga-Binangonan, Rizal.
