Apat ang sugatan, kabilang ang dalawang menor de edad, matapos mauwi sa rambulan ang isang pa-liga ng basketball sa Barangay 135, Balut, Tondo, Maynila, Linggo ng gabi, Setyembre 27. Courtesy: Bgy. 135
MAYNILA — Apat ang sugatan, kabilang ang dalawang menor de edad, matapos mauwi sa rambulan ang isang pa-liga ng basketball sa Barangay 135, Balut, Tondo, Maynila, Linggo ng gabi, Setyembre 27.
Bandang alas-8:40 ng gabi nang mangyari ang insidente sa tapat mismo ng barangay, kung saan ginaganap ang championship ng liga.
Sa kuha ng CCTV ng barangay, makikita ang biglaang pagsugod ng ilang lalaki sa mga naglalaro ng basketball na nauwi sa suntukan at batuhan ng bote. Sa isa pang anggulo, makikita rin ang isang lalaking walang suot na pang-itaas na tila hineadlock ang isa sa mga menor de edad bago ito madamay sa kaguluhan.
Ayon sa barangay, kabilang umano sa mga player ang isang off-duty na pulis na kakampi pa ng isa sa mga sangkot sa insidente.
Ayon sa ina ng isa sa mga biktima, wala umanong intensyon ang kanyang anak na makisali sa gulo.
“Wala naman pong intensyon yung anak ko na makisali doon sa away,” ani ng ina.
Ikinuwento rin niya na dinala pa umano sa barangay ang kanyang anak at doon ay pinalo ng dustpan.
“Tapos meron pa pong isa na dinala po doon yung anak ko sa may barangay, pinalo po siya ng dustpan sa kamay. E paano na lang po kung sa ulo tinamaan yung anak ko?” dagdag niya.
Dahil dito, nakaranas umano ng pananakit ng ulo, pagsusuka, at pananakit ng kamay ang menor de edad.
“Sumasakit po yung ulo niya, tapos may time na nasusuka siya, tapos masakit po yung kamay niya doon sa pagkakapalo ng dustpan,” aniya.
Ayon pa sa ina, mas lalo siyang nangangamba dahil isang pulis umano ang kabilang sa mga nanakit.
“Grabe talaga yung ginawa nila sa anak ko… natatakot ako, pulis na po kasi yung kalaban,” saad niya.
Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ng isa pang ina na nagsimula ang gulo matapos ang girian sa laro sa ikaapat na quarter.
Aniya, umuwi umano ang kanyang anak upang magsumbong matapos ang insidente, ngunit nang bumalik kasama ang ilang kaibigan ay doon na nagkaroon ng kaguluhan.
“Nasuntok niya din po yung anak ko tapos nasakal po… kinabig niya tapos bigla niya pong sinuntok,” ani ng ina, na tumutukoy umano sa off-duty na pulis.
Dagdag pa niya, nagkaroon ng rambulan nang akalain ng kabilang panig na susugod ang kanilang grupo.
“Akala sumusugod po kami, ayun nagkaroon na po ng rambulan,” aniya.
Sa panig naman ng barangay, iginiit na mabilis na naawat ng mga tanod at residente ang kaguluhan. Hindi rin umano nila alam kung saan naka-destino ang naturang pulis.
Ayon kay Barangay 135 desk officer Aila Bautista, hindi pananakit kundi pag-awat ang layunin umano ng pulis.
“Para madepensahan din sana, hindi na mabugbog, kasi syempre kaguluhan na yan,” paliwanag ni Bautista.
“Niyakap siya… binigay siya at sinabing iuwi mo na yan para hindi masaktan,” dagdag pa niya.
Bukod sa dalawang menor de edad, nasugatan din ang isang babae matapos matalsikan ng bubog mula sa binasag na bote.
Samantala, isang 33-anyos na lalaki ang umano’y pinalo ng golf club ng ama ng isa sa mga menor de edad, na nagtamo ng pamamaga sa balakang at kaliwang kamay.
Sa kabila nito, wala na umanong planong magsampa ng reklamo ang naturang lalaki na tumanggi na ring humarap sa kamera.
Samantala, nagsampa na ng reklamo sa pulisya ang mga magulang ng dalawang menor de edad laban sa off-duty na pulis at sa isang SK kagawad na sangkot din umano sa insidente.
Nakatakda namang magkaroon ng panibagong pagdinig sa barangay matapos hindi magkasundo ang magkabilang panig sa unang hearing.
Sa kabila ng nangyaring gulo, plano pa rin ng barangay na ituloy ang championship ng liga ngunit paiigtingin ang seguridad upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
