Patay ang isang 7-taong gulang na lalaki matapos magulungan ng closed van sa bahagi ng McArthur Highway, Barangay Tuktukan sa Guiguinto, Bulacan noong September 23. Contributed
MAYNILA — Patay ang isang 7-taong gulang na lalaki matapos magulungan ng closed van sa bahagi ng McArthur Highway, Barangay Tuktukan sa Guiguinto, Bulacan noong September 23.
Sa kuha ng CCTV, kitang nakasakay sa motorsiklo ang biktima at kanyang stepfather nang masapol ng closed van kaya natumba ang motorsiklo.
Nakatayo ang stepfather ng biktima habang tuloy-tuloy na umandar ang closed van at nagulungan ng dalawang beses ang batang lalaki.
Kitang binuhat pa ng stepfather ang bata nang makalagpas ang closed van.
Ayon kay Jastley Samson, stepfather ng biktima, kagagaling lang niya sa pagsundo sa bata at pauwi na sana sila nang mangyari ang trahedya.
Aniya, bigla na lamang silang binangga ng truck habang naghihintay makatawid sa kabilang bahagi ng kalsada.
"Sinundo ko po kasi yung anak ko po sa school, pagkatapos po... papauwi na po kami... bigla pong bumangga. Nung una mahina lang tapos parang dinerederecho niya na po ako hanggang sa malayo na po yung napuntahan po namin,” kwento niya.
Samantala, lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na pumalya umano ang preno ang closed van kaya nahagip ang motorsiklo.
Ayon kay Lt. Col. Francis Magadia, Guiguinto Municipal Police Station Acting Chief of Police, ayon sa driver ng closed van ay ipagagawa sana ang preno nito.
“Sabi nung, allegedly, as per sabi nung driver is yung truck is ipapagawa daw kasi medyo mahina ang preno,” dagdag pa niya.
Dinala pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.
Nagtamo naman ng mga sugat sa mga binti ang amain ng biktima
Labis naman ang pighati ng ina ng biktima na si Mica Macalino sa pagpanaw ng kanyang anak.
"Yung bago po siya pumasok ng school, ki-kiss muna po siya sa akin, magbaba-bye po siya sa akin... Yun na po pala yung huli."
Desidido ang pamilya na ituloy ang kaso laban sa suspek.
Nahaharap ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury, and damage to property.
